Kinagiliwan ng netizens ang ginawang pag-edit ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa selfie kasama ng isang taga-suporta.

Ibinahagi ng isang Instagram user ang larawan kasama ang re-electionist na si Mayor Vico ngunit blurred dito ang alkalde.
“Kung bibigyan mo ‘ko ng good governance, Mayor Vico, bigyan mo rin sana ako ng good selfie with you,” biro niya sa caption nang i-post niya ito sa kaniyang Instagram stories.
Hindi naman siya nabigo at si Mayor Vico na mismo ang nag-edit ng larawan kung saan malinaw at kita na ang buong mukha niya.
“‘Yan naayos ko na po,” sabi ng alkalde nang i-repost niya ang larawan sa Instagram.

Ikinatuwa naman ito ng kaniyang supporter na ibinahagi pa ang before and after na mga kuha sa Facebook. “Salamat sa pag-edit Mayor Vico Sotto. Finally may maayos na picture na ko with you,” aniya.
Bumenta sa netizens ang ginawang ito ni Mayor Vico. Sa kasalukuyan ay may mahigit 100k reactions at 36k shares na ang post.
“Lahat napagbibigyan. Iba e. Kayang-kaya kasi good governance, ‘yan pa kayang photo editing,” sabi ng isang netizen.
Ang ilan naman, natuwa sa humor ng alkalde. “Ang witty ni Mayor,” komento ng isa pa.
Si Mayor Vico ay anak ng Eat Bulaga host Vic Sotto at aktres na si Coney Reyes.

[RELATED: Mayor Vico Sotto pinasalamatan ang mga magulang sa pagdalo sa campaign kickoff]
Matatandaang kapwa dumalo ang mga magulang ni Mayor Vico sa kickoff ng kaniya kampanya bilang re-electionist sa Pasig.
Kuwento niya noon, bagama’t pinayuhan niya na ang kaniyang “special guests” na umiwas muna sa mataong lugar ay hindi nagpapigil ang mga ito.