Abot-abot ang pasasalamat ni Herlene Budol, o mas kilala bilang ‘Hipon Girl’, kay Karen Davila matapos siyang bigyan ng Kapamilya host ng P100,000.
Ibinahagi pa ni Hipon Girl sa kaniyang Instagram ang ilang larawan nila ni Karen pati na rin ang deposit slip para sa nabanggit na halaga.

“Isang malaking karangalan po uli yung nag-congratulate si Mam Karen Davila sa pagpasok ko sa Binibining Pilipinas 2022 at eto pa ang surpresa nya sa akin mga KaHipon at hanggang ngayon walang tigil iyak ko,” bahagi ni Herlene nitong nakaraang araw.
“Ibinigay po nya sa akin yung earnings sa Youtube [vlog] nya nung ininterview nya sa akin nakaraang April 2 sa halagang 100,000 pesos po bago ako nag register ng Binibining Pilipinas na umabot ng 2.2M views,” wika pa nito.
Ipinangako kasi ni Karen kay Herlene ang kikitain niya sa kaniyang YT vlog dahil humanga ito sa kabaitan ng dating ‘Wowowin’ host.
Tiniyak naman ni Hipon Girl na hindi masasayang ang tulong na natanggap niya mula sa beteranang broadcaster.
“Mam Karen, God bless you more po at malaking tulong po eto para sa aking pamilya at ibibigay ko po eto kay Nanay Bireng at Tatay Oreng ko,” dagdag pa ni Herlene.

Malaking bagay daw ito para sa kaniyang pamilya lalo pa’t tatlong buwan siyang mawawalan ng kita dahil bawal munang tumanggap ng endorsement batay na rin sa polisiya ng Binibining Pilipinas organizers para sa mga kandidata nito.
Mukhang patuloy ang buhos ng suwerte at biyaya kay Herlene dahil nga nakapasok rin siya sa Top 40 candidates ng Binibining Pilipinas 2022 na isa sa kaniyang mga pangarap.
BASAHIN: Herlene Budol pasok sa Top 40 ng Binibining Pilipinas 2022

“Ako nga pala si Binibining Number 8 Nicole Budol a.k.a. Herlene Hipon at mag iiwan ng kasabihan “Magsipag at wag umasa sa iba. Hindi araw araw ay bday natin. baka magulat ka pa ka birthday mo si Karen,” pagbibiro pa ni Herlene.
Nakiusap rin siya sa kaniyang mga tagasuporta na mag-subscribe at patuloy na tangkilikin ang YT channel nila ni Wilbert Tolentino pati na rin ang kaniyang kaibigang si Madam Inutz, at siyempre ang kay Ms. Karen Davila na rin.
Panoorin ang vlog ni Karen: