Isko Moreno kay VP Leni: 'I’m calling for Leni to withdraw'

Nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno noong Linggo kay Bise Presidente Leni Robredo na bawiin ang kanyang kandidatura sa pagka-presidente, at sinabing tumakbo lamang siya para pigilan ang pamilya Marcos na makabalik sa Malacañang.

Sa joint press conference, muling inalok ni Moreno ang kanyang sarili bilang alternatibong kandidato kung gusto ng mga Pilipino ng “peace of mind.”

“On top of your problem, our problem as a country and as a citizen at problema ng ating pamilya araw-araw, at the very least I can give you peace of mind–kapanatagan. Time to move on,” wika ni Moreno.

Binigyang-diin ng alkalde na dapat gawin ni Robredo ang “supreme sacrifice” para talunin ang frontrunner na si dating Senador Ferdinand Marcos Jr. sa presidential race.

“Kung meron mang supreme sacrifice, ‘yung number 2 (sa survey) should do and start. Let Leni withdraw. Withdraw, Leni, if you love your country,” anito.

“I’m calling for Leni to withdraw. Whatever you’re doing is not effective against the Marcoses. Withdraw, come and join us. Pwede pa-sub? Pa-sub naman. Baka kami maka-3 points, isa sa amin,” dagdag pa niya.

Sinabi ng kampo ni Vice-President Robredo na maglalabas sila ng pahayag sa press briefing ng mga kandidato sa pagkapangulo sa loob ng araw.

Ang mga kandidato sa pagkapangulo na sina Senator Panfilo Lacson, dating Defense Secretary Norberto Gonzales, at Manila Mayor Moreno ay nagsagawa ng press conference noong Linggo kung saan inihayag nila na sila ay makikiisa at hindi babawiin ang kani-kanilang presidential bids tatlong linggo bago ang botohan sa Mayo 9.

Nangako rin silang pagsisilbihan ang gobyerno kung sino man sa kanila ang mananalo sa karera.

“Kami, pangalawa ay magsasanib pwersa upang labanan ang anumang pagtatangka upang baluktutin ang totoong pagpapasya ng taumbayan sa pamamagitan ng paggalaw na hindi kanais-nais o maglilimita sa malayang pagpili ng ating kababayan,”

“Hinding hindi kami magbibitiw sa kampanya. Ang bawat isa sa amin ay magpapatuloy sa aming mga sariling kandidatura upang maging karapat-dapat na pagpilian ng sambayanan,” ayon pa kay Moreno.

Nauna nang inanunsyo ng Partido Reporma ang pagsuporta nito sa kandidatura sa pagkapangulo ni Robredo, ilang sandali matapos magbitiw sa partido ang standard-bearer nitong si Lacson.

Samantala, isang chapter ng volunteer group na Ikaw Muna (IM) Pilipinas na unang sumuporta sa kandidatura ni Moreno ay lumipat din kamakailan sa pag-endorso kay Robredo, ayon sa GMA News.

Post a Comment

Previous Post Next Post