Iba’t iba ang epekto ng “bad breakup” sa bawat tao. Kung ang ilan ay nagagawang maging sobrang tatag para muling makabangon, may iba na nangangailangan pa ng tulong mula sa mga eksperto. Isa sa mga ito ang popular na komedyante at direktor na si John Lapus.

Sa media conference ng seryeng How To Move On in 30 Days, matapat na inamin ni John na minsan siyang lumapit sa isang psychiatrist para maka-move on. Aniya, sa tatlong relasyong kinabilangan niya, iyong pangalawa ang naging pinakamapait sa lahat at umabot sa punto na kinailangan na niya ng isang professional para kayanin ang lahat.
“Iyong pangalawang boyfriend ko, ‘yon lang talaga ‘yong bad breakup,” pagbabahagi niya.
Kuwento ni John, bagama’t nagawa niya rin maka-get over sa lahat ng nangyari sa loob ng 30 days, gaya ng pamagat ng series, hindi madali ang naging proseso. Bukod sa ilang sessions kasama ang nilapitan niyang eksperto, naroon din ang suporta ng kanyang malapit na kaibigan at kapwa artistang si Eugene Domingo.
“Noon tinanong, bigla kong ni-compute, nagawa ko po in 30 days—30 drunken nights, almost 30 s*x partners, one psychiatrist, one super-duper close friend who brought me to the psychiatrist, and one new boyfriend after 30 days. That’s the formula kung bakit ako naka-move on,” pagbabahagi niya.

Bilang isang likas na komedyante, sanay daw ang isang John Lapus na siya ang nagbibigay ng comfort kaya naman nahirapan siya noong dumating ang punto na siya na ang nangangailangan nito.
“I think that’s what happened kung bakit kailangan talagang dalhin ako sa psychiatrist, kasi sanay ako na ako ‘yong tumutulong sa friend galing sa bad breakup, ako ‘yong nagpapatawa, ako ang tinatawagan ng mga kaibigan,” saad niya. “Noong niloko ako ng second boyfriend ko, parang nahiya akong lumapit sa mga kaibigan ko, akala ko kaya ko by myself. Napreng-preng pala ako, hindi ko alam,” he said.
Mabuti na lamang daw at naroon si Eugene, na malaki ang ginampanang papel sa kanyang healing. Ito rin ang nagdala sa kanya sa eksperto.

“One day, sinabi niya sa akin, magkakape lang daw kami, samahan ko lang daw siya. Ako naman, go. Tapos, nagulat na lang ako, nag-park siya sa isang bahay and she became teary-eyed. She told me right then and there, ‘Kailangan mo ng tulong, kasi paulit-ulit ka. Bayad ko na ‘yan. That’s 12 sessions.’ That’s what happened,” nakaaantig na kuwento ni John, na gumaling daw pagkatapos lamang ng walong sessions.
Sa tingin daw ni John, nakatulong din na bukod sa siyensya at sa mga kaalaman nito na makatutulong sa pag-usad niya, pinayuhan din daw siya ng kanyang psychiatrist na magdasal at talagang napagaan daw nito ang nadarama niya.
Panoorin: