Itinanggi ng kampo ni presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno na binawi na ng mga volunteers nila sa Visayas ang suporta para kay Yorme at lumipat na ang mga ito kay VP Leni Robredo.
Ayon kay Lito Banayo, ang tagapagsalita ni Mayor Isko, katunayan daw ay pupunta ng Cebu ang pambato ng Aksyon Demokratiko at sasalubungin sila ng kanilang mga volunteer groups doon.

Naglabas na rin daw ng pahayag ang karamihan sa kasapi ng ‘Visayas for Isko’ at iba pang grupo na pinasisinungalingan ang sinabi ni Nick Malazarte ng Ikaw Muna (IM) Pilipinas Visayas Chapter noong isang araw.
“Hindi namin alam kung ilan ang sinasabi ni Ginoong Malazarte na diumano ay lumipat kay Vice President Leni,” paliwanag ni Banayo. “We did not receive any letter. As of 5:30 p.m. yesterday, wala namang natatanggap yung sekretarya ni Isko.”
Nitong nakaraang Lunes ay naglabas ng pahayag si Malazarte para kumpirmahing binabawi na nila ang suporta para kay Mayor Isko at si Robredo na ngayon ang kanilang ineendorsong kandidato.

“There is a danger of the Marcoses getting back to power, that is why if we believe Yorme (Moreno) is the best, we have somebody better (Robredo) because the alternative is the worst, who is BBM (Ferdinand Marcos Jr.),” ani Malazarte.
Nakipag-ugnayan na rin umano sila sa kampo ni Robredo at ipinaalam na rin nila ang desisyong ito sa campaign manager ni Yorme.
Giit naman ni Banayo, hindi malinaw ang naging pahayag ng IM tungkol sa pagbawi ng kanilang suporta kay Mayor Isko.

“Ang sinasabi nila ay sana magkasama-sama ang mga kandidato liban kay Ferdinand Marcos Jr. para maging parang one-on-one ang contest,” ani Banayo.
Gayunpaman, iginagalang umano nila ang opinyon ng IM subalit tuloy-tuloy pa rin daw ang pagtakbo ni Mayor Isko sa susunod na halalan.

Samantala, inamin rin ni Malazarte na bagama’t magaling at mabuting tao si Mayor Isko, lubhang mababa umano ang numero ng alkalde batay sa mga lumabas na survey.
Sila umano sa IM Pilipinas ay mula sa hanay ng mga Pinoy na naging aktibista noong 80s kaya hindi nila mapapayagang makabalik muli ang isang Marcos sa Malakanyang, ani Malazarte.