Matapos magtanghal sa UniTeam rally, Rufa Mae Quinto sa campaign sortie naman ni Pacman naispatan

Naging trending topic muli sa social media si Rufa Mae Quinto matapos itong dumalo sa grand proclamation rally ni Senador Manny Pacquiao na ginanap sa Dumaguete City noong Sabado, Abril 2.

Kung matatandaan, unang nag-guesting ang komedyante sa campaign rally naman ng UniTeam sa Zamboanga City noong Martes lamang, Marso 29.

BASAHIN: Rufa Mae Quinto nag-guesting sa rally ng UniTeam, ‘See you Zamboanga! Go go go!’

 

Umakyat pa sa entablado ang “Booba” star sa Summit Center ng Universidad de Zamboanga, nakipag-ugnayan sa UniTeam slate at pinasaya ang mga manonood doon sa pamamagitan ng kanyang mga signature ditzy antics.

Samantala, lumalabas na dalawang beses nang dumalo si Rufa Mae sa rally ni Pacman dahil sumama rin pala ito sa rally ng boxing icon sa Iloilo City noong Marso 31 subalit kamakailan lamang naibahagi ang mga larawang kuha sa event.

Doon ay nakasama niya ang kapwa-aktres na si Ruffa Gutierrez at ang misis ni Pacman na si Jinky Pacquiao.

Kaya nalilito tuloy ngayon ang mga netizens kung sino ba talaga ang sinusuportahang presidential candidate ni Rufa Mae Quinto.

Subalit tila hindi naman apektado ang comedian-actress dahil nag-post pa ito sa Instagram ng isang larawan na may caption na: “Sino ba ang boboto natin? Yay gabay gabay walang away!”

Naaliw naman ang ibang netizens kay Rufa Mae dahil parang ang komedyante lamang ang nakagagawa nito na hindi nakatatanggap ng matinding pambabash.

“Other celebs don’t participate in any campaign rallies just to detach themselves from these political affairs. While we have Ruffa Mae who might be joining each of these presidential rallies,” ayon sa isang Twitter user.

“Honestly, it is very Rufa Mae of her to do so,” wika pa ng isang netizen.

“Maybe Ruffa Mae is the real president,” dagdag naman ng isa pa.

Si Rufa Mae ay isa lamang sa mga celebrities na nakikitang nag-guesting sa mga proclamation rally ng mga presidential candidates.

Bagama’t karamihan sa mga artista ay vocal sa kanilang pagsuporta sa mga napipisil na kandidato, mas pinili yata ni Rufa Mae na maging neutral at walang personalan ang kaniyang pag-guesting sa mga naturang event.

Post a Comment

Previous Post Next Post