Mga lugar na dinaanan ni Fr. Peregrino, nahagip sa CCTV; pinag-aaralan na ng awtoridad

Nahagip sa ilang CCTV ang mga lugar na dinaanan ng sasakyan ni Fr. Leoben Phem Octavo Peregrino, ang 58-anyos na pari sa Rosario, Cavite, na nawala nang halos dalawang araw noong nakaraang linggo.

Batay sa ulat ng GMA News, kabilang sa dinaan ni Fr. Peregrino ay isang mall at isang sabungan.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang kopya ng CCTV kung saan nakita ritong dumaan ang sasakyan sa kalsada ng Brgy. Tejeros Convention sa General Trias at maging ang pagkaliwa nito sa isang shortcut na daanan malapit sa isang mall sa bayan ng Dasmarinas, Cavite.

Nakita ring pumasok ang puting Mitsubishi Adventure ni Fr. Leoben sa General Trias Cockpit dakong alas-11 nang umaga ng Biyernes bago ito lumabas at nagtungo sa city proper ng naturang lungsod.

Kinalaunan ay nahagip muli ang sasakyan ng pari sa Barangay Santiago na binabaybay ang kalsada patungong Barangay San Francisco.

Ayon pa sa mga imbestigador, mistulang nag-iisa lamang si Fr. Leoben sa kaniyang sasakyan sa lahat ng pagkakataong nahagip ito ng mga CCTV.

Samantala, para kay P/Chief Lt. Col. Ruther Saquilayan ng bayan ng Rosario, walang ibang makapagbibigay-linaw sa kung ano ang totoong nangyari kung hindi si Fr. Leoben mismo na ngayon ay kasalukuyang nagpapagamot sa isang ospital at hindi pa nakakausap nang maayos.

Ang tinututukan umano nila sa kasalukuyan ay ang mga CCTV ng lugar kung saan nahagip ang sasakyan ng pari.

“Yun kasing mga shortcut, nahagip lang [ang sasakyan], kasi ang location ng CCTV is nandun sa cockpit arena. ‘Yun kasi ang daan na maluwag,” paliwanag ni Saquilayan.

Natagpuang nakagapos sa kaniyang sasakyan at tulala si Fr. Leoben Linggo nang umaga sa Barangay Lumil, Silang matapos makatanggap ng tawag ang pulisya sa isang caller.

Huling nakita si Fr. Peregrino, na naninilibihan bilang parish priest ng Most Holy Rosary Parish Church sa Rosario, noong Abril 1 nang umaga.

Umalis raw ito para lamang bumili ng kandila sa katabing bayan ng Imus na nakasuot ng violet na t-shirt at maong na pantalon.

Dakong alas-9:30 am umano ay nagpakarga pa ng gas sa isang Petron station ang pari habang tanghali naman nang makita itong lumabas ng Robinson’s sa General Trias.

Nagpasalamat naman ang kaanak ng pari dahil natagpuan itong buhay matapos ang mahigit dalawang araw na pagkawala.

BASAHIN: Paring nawala ng dalawang araw, natagpuan na; walang malay at nakatali sa loob ng sasakyan

Post a Comment

Previous Post Next Post