Inamin ng kampo ni Aksyon Demokratiko standard bearer Mayor Isko Moreno na hindi kasama sa orihinal na agenda ng ginanap na Manila Peninsula presscon ang panawagang mag-withdraw si Vice President Leni Robredo.
Matatandang tatlong presidentiables na kinabibilangan nina Moreno, Senador Ping Lacson at Norberto Gonzales ang dumalo sa joint press conference nitong Easter Sunday para tiyakin sa madla na hindi sila aatras sa kani-kanilang kandidatura.

Sa isang bahagi ng presscon ay nanawagan si Yorme kay Robredo na umatras ang huli bilang ‘supreme sacrifice’ umano para mapigilan ang pagbabalik ng isang Marcos sa Malakanyang.
BASAHIN: Isko Moreno kay VP Leni: ‘I’m calling for Leni to withdraw’
“Let Leni withdraw. Withdraw, Leni, if you love your country,” anang pahayag ng alkalde.
Subalit nilinaw ni Aksyon Demokratiko Partylist chairman Ernest Ramel na lumabas lamang ang ganitong panawagan ni Mayor Isko dahil sa hindi patas na pagpapalabas ng media na ang eleksyon ay sa pagitan na lamang ng dalawang kandidato – sina Bongbong Marcos at Robredo.

“That’s why it went to that conversation na naging anti-Leni Robredo na is because it’s the media who put those questions in and of course eventually the sentiments ng candidates came out about her,” paliwanag ni Ramel sa panayam ng ANC.
Dahil raw sa pangungulit na tanong ng media tungkol sa isyu kay VP Robredo kaya napilitan si Yorme na ipanawagan ang pag-atras ng Bise Presidente.
“It wasn’t part of the agenda…Napunta na sa iba’t ibang tanungan so I think the emotions and what was happening in the last 2 weeks came into the fore,” wika pa ni Ramel.

Lacson,walang ideya sa ‘withdraw Leni’
Samantala, sa panig naman ni Senador Ping Lacson, kahit siya raw any nasupresa rin sa naturang panawagan ng alkalde.
“I didn’t know and I had no idea he would do that,” ayon kay Lacson sa hiwalay na panayam ng Inquirer.
Gayunpaman, wala naman daw siyang nakikitang malisya sa ginawang ‘withdraw Leni call’ ng kaniyang karibal lalo pa’t nilinaw na ng kampo ni Mayor Isko na personal na panawagan niya lamang ito.

“I don’t think I was blindsided, or at least it was intentional on the part of Mayor Isko. I think he was carried away by his recollection that VP Robredo earlier asked him to do the ‘supreme sacrifice’ and withdraw,” paliwanag pa ng senador.
Nagpasiya ang kampo nina Mayor Isko, Lacson at Gonzales na magsagawa ng joint presscon matapos umanong lapitan sila ng kampo ni Robredo para ipakiusap na umatras na ang mga ito.

Dapat ay kasama rin sa presscon si Senador Manny Pacquiao subalit hindi na ito nakaabot dahil nasa biyahe pa.
Maliban sa mga nabanggit na presidentiables, dumalo rin sa Manila Pen sina vice presidential candidates Senador Vicente ‘Tito’ Sotto at Doc Willie Ong.