Iniimbestigahan ngayon ang isang 54-anyos na lalaki matapos matagpuan sa kanyang bakuran ang mahigit 500 na ‘nakaw’ na bisikleta na kitang-kita maging sa Google Earth.
Nakatira sa Oxfordshire, England, unang inaresto ang lalaki matapos maireklamo ng kanyang mga kapitbahay sa tambak ng bisikleta sa kanyang likod-bahay na pinamahayan na umano ng mga daga. Laking gulat umano ng mga awtoridad na ang inaakala nilang ilang bisikleta ay daan-daan pala.

At ang nasabing tambak, kalahating dekada na palang parami nang parami hanggang sa umabot na nga sa punto na maging sa Google Earth satellite imagery ay kitang-kita na ito.
“A large number of bicycles, believed to be stolen, have been recovered from the property. Officers are currently in the process of identifying ownership of these bicycles,” saad ng isa sa mga miyembro ng kapulisan, ayon sa WalesOnline.
Kasabay ng pagkalat ng mga litrato ng tambak na bisikleta, marami ang napaisip kung paanong wala man lang nagduda sa maya’t mayang pagdadala ng lalaki ng mg bisikleta sa kanyang lugar.

“Cracks me up no one spotted it sooner. Surely you’d think it suspicious to have a garden overflowing with bikes?” tanong ng isa.
“Did the neighbors not think it strange?” palaisipan naman ng isa.
Sa isang panayam sa isa sa mga kapitbahay ng lalaki, napag-alaman na ilang buwan nang namamataan ang mga van-load products na dinadala sa nasabing bakuran. Wala umanong pinipiling oras, hindi alintana kung gabi o araw ang pagdadala.

“I started reporting his festering collection of bikes four years ago, but it’s been going on for about five years,” wika ng 53-anyos na si Colleen Butler.
“I made the first report because the amount of bikes was just ridiculous. There must have been at least 500 of them. When I spoke to him he said they were going to be sent to Africa for needy kids but, as you can see, they never went to Africa,” pagpapatuloy niya.