Paring nawala ng dalawang araw, natagpuan na; walang malay sa loob ng sasakyan

Natagpuang buhay subalit walang malay ang pari sa Cavite na naiulat na dalawang araw nang nawawala simula pa noong Biyernes ng nakaraang linggo.

Nitong Linggo, Abril 3, kinumpirma ni P/Chief Lt. Col. Ruther Saquilayan ng bayan ng Rosario na nakitang tulala at nakatali pa sa loob ng kaniyang Mitsubishi Adventure si Fr. Leoben Phem Octavo Peregrino, 58 anyos, sa Silang, Cavite.

Ayon kay Saquilayan, hindi pa nila makunan ng impormasyon si Fr. Peregrino dahil hindi pa ito makapagsalita at tila na-trauma sa nangyari sa kaniya.

Dahil dito, patuloy pa umanong iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente habang isinugod naman sa isang pagamutan ang naturang pari.

Noong Sabado, nanawagan sa social media ang kapatid ni Fr. Peregrino na si Joel upang humingi ng saklolo sa sinumang nakakita sa kaniyang kuya.

Huling nakita si Fr. Peregrino, na naninilibihan bilang parish priest ng Most Holy Rosary Parish Church sa Rosario, noong Abril 1 nang umaga.

Umalis raw ito para lamang bumili ng kandila sakay ng kaniyang kulay puting Adventure na may plakang VES 470 at nakasuot ng violet na t-shirt at maong na pantalon.

Dakong alas-9:30 am umano ay nagpakarga pa ng gas sa isang Petron station ang pari habang tanghali naman nang makita itong lumabas ng Robinson’s sa General Trias.

Sinabi naman ni Saquilayan na nakatanggap sila ng tawag na naispatan raw ang pari sa Barangay Lumil, Silang kaya nagtungo sila roon para mag-usisa.

Sa ngayon, kasalukuyan nang pinag-aaralan ng mga awtoridad ang kuha ng mg CCTV sa lugar kung saan namataan ang sasakyan ni Fr. Peregrino.

Samantala, nagpasalamat naman si Joel dahil natagpuang buhay ang kaniyang kapatid matapos ang mahigit dalawang araw na pagkawala.

“Salamat po sa inyong mga panalangin. Dininig po ng Diyos ang ating mga dasal. Nakita na po si Father Phem Octavo Peregrino sa Barangay Lumil Silang, Cavite. Buhay po siya,” ani Joel sa kaniyang Facebook post nitong Linggo.

Post a Comment

Previous Post Next Post