Manny Pacquiao umaasang iboboto siya ng mga ‘tunay na Kristiyano’

Naniniwala si presidential aspirant at Senador Manny Pacquiao na siya ang pipiliin ng mga Pinoy na Kristiyano sa darating na halalan sa Mayo.

Sa nakaraang kampanya ng kaniyang grupo sa Batangas, ibinahagi ng boxer-politician na dumarami na ang grupong Christian na nagpahayag ng suporta sa kaniyang kandidatura bilang susunod na pangulo.

“I am sure isa lang naman ang paniniwalaan amin, the same spirit distributed among us. So I am sure na nagtutulungan kami, nagkakaisa kami lalo na at magkakapatid kami sa Panginoon,” pahayag ni Pacquiao, na isang Christian.

Ayon pa sa sports icon, ang mga Christians ay binigkis ng pag-ibig ng Diyos kaya natitiyak niyang sila ay sabay-sabay na maninindigan para sa kanilang paniniwala.

Dahil dito nanawagan ang senador sa kaniyang mga kapwa Christians na siya ang iboto sa parating na eleksiyon.

“If you really are a true Christian, you will support a (fellow) Christian, you will support your brother,” wika pa ng mambabatas.

Batay sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia survey para sa buwan ng Marso, nasa ika-4 na puwesto si Pacquiao (6%) at sumusunod lamang sa frontrunner na si Bongbong Marcos (56%), second-placer na si VP Leni Robredo (24%) at Manila Mayor Isko Moreno (8%).

Subalit hindi natitinag ng naturang survey ang tinaguriang ‘Pambansang Kamao’ dahil pinag-uukulan niya umano ng oras ngayon ay ang abutin ang mga Pinoy na nasa Class D at E, na pawang mahihirap.

“Alam mo hindi ako nakatingin sa survey na ‘yan kasi ang focus ko ‘yung mga tao na maabot ko, ‘yung mga mahihirap, ‘yung D, E class,” ani Pacquiao sa naunang panayam.

“Ang D, E class ‘yun ‘yung napakarami lalo na ngayon, pandemya pa, so ‘yun ‘yung inaabot natin ngayon. Doon tayo naka-focus sa D,E class dahil ‘yun ang talagang pumipila at bumoboto,” dagdag pa ng mambabatas.

Tiniyak din ni Pacman na hindi siya aatras sa labang ito sa pulitika kahit pa may mga panawagan ngayon na kailangan nilang magkaisa ng kaniyang mga karibal upang maiwasang makabalik muli sa Malakanyang ang isang Marcos.

Post a Comment

Previous Post Next Post