Mga pugong ibebenta sana, nagpisaan at naging sisiw; inaalagaan na lang ng tindera

“Almost 1 month na mga anak kong sisiw.” #teenagemomofsisiw

Nagulat ang tindera ng pugolot o pugo na balot na si Jerlyn Elorde sa Barangay Catmon, Malabon City nang mapisa’t naging sisiw ang ilan sa mga paninda niyang itlog ng pugo. Ibinahagi naman niya ito sa kaniyang Facebook  post noong March 14.

Kuwento ni Jerlyn, ide-deliver na sana niya ang mga itlog pero nang buksan ang kahon, ay naging sisiw na ang ilan dito.

“Anong nangyare sa paninda kong pugolot? mabebenta pa ba to? hahahahha,” aniya.

“Nalugi na nga, mukhang may papakainin pa ako,” dagdag pa niya.

Ayon kay Jerlyn, mabilis mapisa ang itlog ng pugo na nasa 3 hanggang 4 na araw lang ang itatagal mula sa araw ng paghatid sa kaniya ng supplier.

Duda niya, baka na-incubate din ang mga itlog dahil sa init ng panahon at sa mainit na kuwarto ito nakalagay. Limang buwan pa lamang nagbebenta ng pugolot si Jerlyn at unang beses itong nangyari sa kanila.

Samantala, isang buwan nang inaalagaan ni Jerlyn ang mga sisiw at talagang masisigla naman umanong kumain ang mga ito.

 

Ilang netizen naman ang natuwa dahil inalagaan ni Jerlyn ang mga sisiw.

Sabi naman ng isang netizen ay mahal daw kapag bumili ng sisiw kaya maganda raw ito dahil puwede siyang maging supplier ng itlog sa dami ng kaniyang mga sisiw.

“Luh ang mahal niyan kapag inalagaan mo yan, ang cute cute.”

“Maam baka blessing po ‘yan sayo baka ikaw na magiging supplier ng mga itlog, madali lang sila mangitlog maam…nakakatuwa naman mahal kasi maam pag bibili ka talaga ng sisiw na pares n’yan.”

“Hindi ka nalugi sa mga naging sisiw mam, pag nabreed mo sila marami silang ibbgay na itlog sayo. Nice one.”

“Paramihin at palakihin mo na lang po at sila na mangingitlog ayaw mo nun, libre na kapag nangitlog ‘yan ‘di ka na bibili.”

Ang pugolot ay itlog ng pugo na ginawang balut. Bukod sa pagkakaroon nito ng masarap na lasa at pampalakas ng tuhod, kilala rin umano ito bilang isang aphrodisiac.

Post a Comment

Previous Post Next Post