Mommy D gusto raw na maging presidential adviser kung mananalo si Manny

Kung saka-sakali, handa na kayang maging ina ng presidente si Mommy D?

Sinabi ng ina ni Senator Manny Pacquiao na si Mommy Dionesia na magiging adviser siya ng Palasyo sakaling manalo ang kanyang anak sa presidential race sa Eleksyon 2022.

“Bilang nanay, concern ang abot ko. Kahit maliit lang akong nanay, adviser ako sa kanila,” ayon kay Mommy D sa isang media briefing nang tanungin kung ano ang magiging papel niya sa Malacañang kung sakaling si Pacquiao ang maluluklok bilang Presidente.

“Katulad sa aming tinitirahan, adviser ako sa buong subdivision namin sa General Santos City,” dagdag ni Dionesia, na sumama kay Pacquiao sa ikalawang pagkakataon sa kanyang kampanya. Sa Caloocan City ginanap ang campaign na sinamahan niya.

Nakasama siya matapos ang check-up ng doktor sa Metro Manila nitong Miyerkules.

“Malaking tulong ang parents na nandiyan sa tabi ng anak,” sabi pa niya.

Umapela si Mommy D sa mga botante na bigyan ng pagkakataon ang kanyang anak, pagkat ipinaglalaban daw ni Manny ang mahihirap.

“Pagbigyan na lang nila si Manny. Ang gustong gusto ko, hayaan na lang nila si Manny ang humawak dito sa buong Pilipinas,” dagdag pa ni Mommy D.

Basahin: ‘Sabi ko, magwawala talaga ako rito sa GenSan’: Aling Dionesia kabado sa pagtakbo ni Senator Manny

Sa proclamation rally ni Manny at ng ka-tandem na si dating Manila Mayor Lito Atienza sa General Santos City, sinabi ni Aling Dionesia na kabado siya sa pagtakbo ng anak niya at tumutol pa siya noong una dahil baka maubos lamang ang perang pinaghirapan nito.

“Itong pagtakbo niya dati bilang congressman, unang beses siyang tumakbo dito sa GenSan, umiiyak ako kasi nakikita ko, ilang sako ng pera, naubos talaga,” saad niya. “Sabi ko, ‘Lord, hindi pala ang anak ko ang minahal ng tao, ang pera pala.’”

Post a Comment

Previous Post Next Post