Para kumpleto! Bride pinagawaan ng human standee ang kapatid sa araw ng kanyang kasal

Agaw-pansin ngayon sa social media ang kasal ng isang bride kung saan ay gusto niyang buo ang kanyang family kaya’t nagpaggawa siya ng isang ‘human standee’.

Ayon sa bride na si Therise Ildefonso Manahan,  gusto niyang kumpleto ang kanyang pamilya sa araw ng kanyang kasal.

Ibinahagi ng The Budgetarian Bride sa FB ang kanyang kuwento.

“MY SISTER’S STANDEE  Due to pandemic di naka-attend ang sister ko, nasa Singapore siya nagtuturo as preschool teacher. To complete our family pic, ginawan namin siya ng human standee,” ayon sa bride.

Bagama’t napakaespesyal ng okasyon, hindi makauwi ang kanyang kapatid na si Trexy Ildefonso na nagtatrabaho bilang guro sa Singapore.

Kaya naman ginawaan ito ng solusyon. Nagpagawa si Therise ng lifesize standee ng kanyang kapatid, na umaabot sa halagang PHP1,600 hanggang PHP1,800 kapag inorder online.

Ikinasal sina Therise at ang asawa nitong si Shem Manahan sa Negros Occidental noong February 27, 2022.

Kahit malayo si Trexy, pakiramdam na niya ay nakadalo na rin siya sa special na araw ng kanyang ate.

“Yung leave ko po ay kulang pa sa quarantine period sa pagbalik ko sa Pilipinas at pagbalik po dito sa Singapore,” kuwento ni Trexy sa interview niya sa TeleRadyo noong Marso 30.

Naaliw naman siya sapagkat naging trending ang ginawang standee sa kasal ng ate niya.

“Yung human standee ‘yung nagbigay ng kulay doon sa wedding day niya, so na-amaze po ako nung nakita ko ‘yung human standee doon sa mismong kasal,” ani Trexy sa panayam ng TeleRadyo noong Marso 30.

Sinabi naman ni Therise, na isa ring teacher, na nakuha niya ang ideya sa Facebook.

“Naghahanap po ako ng ibang tips sa wedding, nakita ko po sa Facebook na merong example din ng wedding na di rin nakadalo ‘yung kapatid ng groom.

“Sinuggest ko po sa family namin na gawan po siya ng human standee. Nag-okay ‘yung pamilya ko.

“Sinuportahan po ng pamilya ko yung ideya ko po at iyon, pinagawan namin siya ng standee to complete the family po during the wedding,” sabi ng bagong-kasal na si Therise.

Bago pa man ang kanilang kasal ay naghanap na raw ng dusty blue gown si Trexy sa Singapore para matiyak na nasunod sa motif ang kanyang standee.

Super close talaga ang magkapatid kahit malayo sa isa’t isa.

“Very generous po siya. Todo support, all out po siya mag-support. Hopefully, and praying, makauwi ka na this year,” ani Therise sa kanyang kapatid.

At habang hindi pa nakauuwi sa Pilipinas, umaasa si Trexy na ipo-proxy muna siya ng kanyang standee.

Post a Comment

Previous Post Next Post