Sa gitna ng pagtatalo sa pagitan ng mga social media users hinggil sa political views ng late matinee idol na si Rico Yan, umalma ang kapatid nito na si Tina Marie Yan at sinabi na walang sinumang may karapatan na idawit ang pangalan ng yumaong aktor para sa mga “indirect campaign motives”.
Sa pamamagitan ng Instagram stories, nagpahayag si Tina Marie ng saloobin. Aniya, wala siyang pakialam sa political views ng kahit na sino. Ang gusto niya lamang ay huwag nang madawit pa sa kahit sinong politiko ang pangalan ng kanyang kapatid na matagal nang namayapa.
“I don’t care about yours or anyone’s political views. You just leave my late brother’s name out of this!” mariin niyang wika sa isang lengthy post.

Dagdag pa niya, pinadalhan daw niya ng personal message o PM ang taong ito ngunit hindi rin nila naayos ang lahat sa pagitan nilang dalawa. Sa ngayon, naka-off na raw ang comments section ng taong tinutukoy niya at naka-block na rin siya sa account nito.

Nauna nang nanawagan ang mga fan ni Rico sa mga taong idinadawit ang pangalan nito sa politika. Anila, hindi na mahalaga kung kanino nakapanig si Rico noon dahil matagal na itong namayapa at nararapat lamang na bigyan ng katahimikan.
Martial Law documentary ni Rico
Matatandaang naging laman ng social media kamakailan ang tungkol sa sinabi ng ex-girlfriend ni Rico na si Claudine Barretto na isang “true blooded Marcos supporter” ang aktor noong nabubuhay pa.

Marami ang hindi naniwala sa aktres kaya naman marami ang naghanap ng mga ulat tungkol sa political views ni Rico, at isa sa mga nahanap nila ay ang video ng Martial Law documentary kung saan nag-host ang aktor noong 1999. Sa nasabing video, sinabi ni Rico na, “Ipinangako ni Marcos ang isang bagong lipunan, parang isang fantasy land, at si Marcos ang bidang superhero. He was the judge, jury, and executioner.”

Nakausap din niya si Satur Ocampo, isang political prisoner noong Martial Law era, kung saan nabanggit nito na ang lolo ni Rico na si dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Manuel Yan, Sr. ay tutol din sa pagpapatupad ng Martial Law, “Ang lolo mo, si Gen. Yan, did not believe that Marcos needed to declare Martial Law, kaya umalis siya. Iba ‘yong kaniyang pagtingin; hindi pareho ng kay Marcos. It turned out later that he was correct.”