Pacquiao isusulong ang libreng PhilHealth para sa mga college students

Isusulong umano ni Senador Manny Pacquiao ang libreng PhilHealth coverage para sa lahat ng estudyante sa kolehiyo sakaling manalo siya sa presidential race sa Eleksyon 2022.

“Ilibre na lang ‘yung PhilHealth. Bilyun-bilyon naman ‘yung budget sa PhilHealth, ninanakaw lang eh. Wala ngang nakulong eh,” sinabi ni Pacquiao sa isang media briefing.

“Huwag na silang pagbayarin, ilibre na lang ng gobyerno. Kung ako ang maging pangulo, wala silang sasaguting bayad, sasagutin ng gobyerno ‘yan,” dagdag pa niya.

Ginawa ni Pacquiao ang komento matapos i-require ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang mga mag-aaral sa kolehiyo na mag-enroll sa PhilHealth dahil mas maraming kolehiyo at unibersidad ang nagsimulang magsagawa ng face-to-face na klase sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.

“Kaya galit na galit ako diyan sa PhilHealth na ‘yan na kalaki-laking pera ang nawala, bilyun-bilyon. Bakit ako nagagalit diyan sa PhilHealth na anomalya? Kasi ‘yang PhilHealth hindi naman sa pangmayaman ‘yan eh. ‘Yang PhilHealth ginawa ‘yan para sa mga mahihirap, ‘yung mga isang kahig, isang tuka, ‘yung hindi maka-afford. Tapos nanakawan mo?”

“Talagang ang tibay naman ng sikmura ng mga ganiyang mga tao,” wika ng presidential bet candidate.

Sa ilalim ng patakaran ng IATF, ang mga mag-aaral na wala pang 21 taong gulang ay dependent ng mga magulang na miyembro ng PhilHealth.

Ngunit ang isang miyembro ng PhilHealth na may trabaho at suweldo ay dapat magbigay ng kontribusyon na P300 kada buwan.

Para sa karamihan ng mga mag-aaral na walang trabaho, maaari silang magparehistro bilang mga indigents, kabilang ang mga hindi kayang magbayad; ang medical insurance ay ipagkakaloob nang libre.

Ilang magulang ang nagsabing pabor sila sa pagpaparehistro ng kanilang mga anak sa PhilHealth, at binanggit na dapat bayaran ng gobyerno ang kontribusyon ng mga bata.

Sinabi naman ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), na ang pinansiyal na pasanin ay ipapasa sa mga estudyante sa halip na ang gobyerno ang magbibigay ng libreng pagpapagamot.

For God and Country

“I am an instrument of God, living at the service of His will. Mula sa hirap, nakamit ko ang halos lahat ng karangyaan sa buhay. Ngunit hindi ang mga materyal na bagay ang nagkumpleto ng aking pagkatao, kun’di tanging ang pagkakaroon lamang ng matibay na relasyon sa Panginoon,” ito ang mensahe ng senador sa isa niyang social media post.

“Sa direksyong ito Niya dinadala ang aking landas— ang paglingkuran ang aking kapwa at maging kasangkapan Niya ng pagmamahal. Para sa Diyos at Bayan, hindi ko kayo bibiguin,” aniya.

Samantala, sa Abril 23 ay nag-imbita si Sen Pacquiao na dumalo ang sambayanan sa Pinaglabanan Shrine, San Juan City sa ganap na 3:00pm.

Post a Comment

Previous Post Next Post