Nakabibiyahe na sa iba’t ibang panig ng mundo, kumikita pa. Iyan ang Pinay na tubong-Laguna na posibleng makapagtala pa ng ‘record’.
Sa video ng GMA Public Affairs, sinabing umaabot sa P100,000 kada buwan ang kinikita ng travel vlogger na si Kach Umandap, 33-anyos.
Dating umanong office worker sa isang oil company si Kach na pangarap noon na maging diplomat para makarating sa iba’t ibang bansa.
Taong 2013 nang nagbitiw siya sa trabaho at ginawa ang kaniyang pangarap na pagbibiyahe.
Aniya, plano lang sana niyang magpahinga ng six months para alamin sa sarili kung ano ang gusto niyang mangyari sa kaniyang buhay.

“6 months lang magpapahinga. Magtse-check kung ano ba talagang gusto kong gawin sa buhay ko. Babalik ba ako sa Pilipinas, mag-aaral ba ako ulit, mag-a-apply ba ako ng trabaho sa Europe, o mag-i- stay sa Middle East,” kuwento niya.
Kumonsulta raw siya sa ibang travellers sa mga pinuntahan niyang lugar at doon siya nakaisip ng ideya kung papaano siya puwedeng kumita habang naglilibot.
Kaya mula sa pagiging office girl, nakarating na si Kach sa 170 countries at teritoryo and still counting.

Nakarating na rin si Kach sa ilang bansa na hindi madalas pinupuntahan tulad ng North Korea at Turkmenistan.
At kapag narating ni Kach ang nalalabing 46 bansa sa kaniyang listahan, posibleng makapagtala siya ng record bilang unang Pinay na nalibot ang mundo gamit ang Philippine passport.
“46 countries na lang po then I’ll make a record and become the first Filipina using a Philippine passport na makapagbiyahe sa lahat ng bansa sa mundo.”

Ang kaniyang adventures ay ibinabahagi niya sa kaniyang blog kung saan kumikita siya mula sa ads.
“Nagtuturo ako paano ka makakakuha ng visa sa Amerika, visa sa Canada, visa sa U.K. Hanggang nagtayo na ako ng visa and immigration services”
Dito na rin daw niya nakilala ang kaniyang kasintahan. Ngunit kahit saan man daw siya makarating, sa Pilipinas pa rin daw siya babalik at babalik.
“Puwede mo akong tanggalin sa Pilipina pero hindi mo puwedeng tanggalin ang pagiging Pilipina sa akin,” aniya.

Masusundan mo ang kanyang travel posts sa Facebook page na Two Monkeys Travel.