“Babawiin din nila iyan,” ito ang babala ng komedyanteng si Pokwang hinggil sa mga kandidatong nagbabayad ng mga artista para iendorso sila ng mga ito.
Sa pamamagitan ng kanyang Facebook account, pinaalalahanan ni Pokwang, o Marietta Subong sa tunay na buhay, ang mga botante na maging maingat sa mga kandidatong nagbabayad ng mga artista para ikampanya sila. Aniya, tiyak na babawiin din ng mga ito ang ibinayad sa mga kilalang personalidad kapag nagkataong sila ang nailuklok sa puwesto.
“Tandaan n’yo, lahat ng ibinayad ng kandidato n’yo sa mga artistang ‘yan ay babawiin din n’ya ‘yan sa sarili n’yong pawis!” saad ng aktres. “Maglalabas ng ganoon kalaking pera nang walang kapalit?”
Ito raw ang dahilan kaya namili talaga si Pokwang ng kandidato na ramdam daw niyang malinis talaga ang layunin sa bayan at inendorso ito nang walang hinihintay na kapalit.
“Kaya sa libre na lang ako at boluntaryo kasi alam mong malinis ang hangarin at ‘di ako umaasa ng kapalit na posisyon,” wika ni Pokwang, na hindi naman pinangalanan ang mga artistang tinutukoy niya at kung sinong kandidato ang ineendorso ng mga ito.

Matatandaang si Vice President Leni Robredo, na tumatakbo ngayon sa pagkapangulo, ang napili ni Pokwang na kandidato. Saad niya sa isa sa mga post na ginawa niya, “So proud of you at sa mga darating pang politiko na maganda ang hangarin sa bayan kagaya mo, Madam, at ibibigay ko ng libre ang aking serbisyo.”

Matatandaang pinasalamatan din ni Pokwang si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach matapos nitong suportahan ang kanyang hinahangad na maging susunod na presidente. Sa nasabing post ay tila nagamit niya ang waring Filipino version ng isang linya mula sa iconic Miss Universe answer ni Pia na “confidently beautiful with a heart”.
“Queen Pia is Kakampink! Maganda na, may puso pa para sa bayan at hindi para sa kaban. Thank you, Queen,” aniya.
