Raffy Tulfo dapat umanong mag-sorry sa PAO – Atty. Persida Acosta

Hindi nagustuhan ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta ang mga naging pahayag ni senatorial bet Raffy Tulfo tungkol sa pagkukulang umano ng naturang ahensya sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Para kay Acosta, ‘libelous’ at isang paninira sa PAO ang mga sinabi ni Tulfo lalo pa’t wala namang naipakitang ebidensya ang huli kaya dapat itong humingi ng paumanhin sa kanilang opisina.

“My PAO lawyers and the Public Attorney’s Office as a whole are entitled to an apology from you,” ani Acosta sa isang virtual presser nitong Lunes, Abril 4.

Nag-ugat ang iringan ng dalawa matapos sabihin ng TV5 broadcaster sa isang panayam sa CNN Ph na isa sa nais niyang gawin kapag nanalong senador ay bumuo ng hiwalay na free legal assistance clinic. Ang mga magiging abogado umano ng nasabing clinic ay sa opisina niya direktang magre-report subalit makikipag-ugnayan pa rin sa PAO.

“Kasi sa ngayon, ‘pag pumunta ka sa mga inquest proceedings mapapansin mo ‘yung mga mahihirap wala silang representation at the PAO. The fiscal is duty bound na bilisan ‘yung pagprocess ng proceeding,” paliwanag ni Tulfo.

Dagdag pa ni ‘Idol’, may pagkakataon o kaso pa raw na wala talagang abogado ang PAO.

“‘Yung PAO absent, ‘yung PAO wala roon, although malaki ang suweldo ng mga taga PAO,” ani Tulfo. “They can’t really perform so I would come in, ang mga voluntary lawyers ko para siguraduhin na mayroon talagang legal representation ‘yong isang suspect kapag inquest.”

Sagot ni Acosta

Hinamon naman ni Acosta si Tulfo na maglabas ng ebidensiya at tukuyin ang mga kliyenteng pinabayaan ng PAO.

“Pangalanan n’yo po sino po ba ‘yang problema n’yo na PAO lawyer na hindi uma-attend ng custodial investigation and inquest proceedings at kakasuhan ko po,” wika ng PAO chief.

Ayon pa kay Acosta, mahigit sampung abogado na ang sinibak nila matapos ang notice at hearing dahil may due process sila, hindi raw katulad ng ginagawa ni Tulfo.

Para naman sa sahod ng PAO lawyers, gumagamit umano ang kanilang opisina ng public financial management na performance-based bukod pa sa mayroong quantitative at qualitative analysis ng performance ng bawat isa.

“Ano po ang gusto ninyo sa mga PAO lawyer bumalik sa dati na ang barong ay kupas, ang medyas ay butas at ang sikmura ay kumakalam dahil walang pambili ng pagkain at meryenda si PAO lawyer at kapag nagugutom ang kliyente pareho silang gutom?” giit pa ni Acosta.

Ipinaalala rin ng PAO chief na patuloy silang nakikipagtulungan sa programa ni Tulfo at maagap na inaaksyunan ang anumang reklamong natatanggap ng kanilang opisina.

Si Tulfo ay kumakandidato bilang senador sa ilalim ng line-up ni Senador Manny Pacquiao.

Post a Comment

Previous Post Next Post