Nakapanayam ni Boy Abunda ang senatorial candidate na si Robin Padilla kaugnay sa kung bakit ito tumatakbo sa senado.
Sa panayam na in-upload sa YouTube Channel ng The Boy Abunda Talk Channel, ipinaliwanag ni Robin kung ano ang pinagkaiba niya sa iba pang senatorial candidates at sa mga kasalukuyang senador na tumatakbo rin ngayon.
“Hindi po ako corrupt, ako po ay nagkaroon ng pagkakataon na mapalapit sa Presidente pero kahit na singko wala po akong naging negosyo sa gobyerno, wala po akong hinihinging pabor sa gobyerno. Ang interes ko lamang po talaga ay pagbabago, magkaroon ng pagbabago sa buhay ninyo,” ani Robin.

“Nandito po ako, pumapasok ako para po sa buhay ninyo ay magkaroon ng totoong pagbabago sa atin. At ‘yun pong sinasabi ni Presidente na hindi pa po siya nakakakilala ng taong pinakamahal ang Pilipinas, mahal ko po talaga ang Pilipinas, mahal ko ang bayan ko at handa ko pong ibigay ang buhay ko sa bayan ko,” aniya.
Ayon kay Robin, tututukan niya ang pagpapalit ng porma ng gobyerno ng Pilipinas mula sa unitary presidential government tungo sa federal form of government.
Sinabi ng action star na gagawin niya ang lahat para i-highlight ang mga bentahe ng pagpapatibay ng federalism sa bansa.

Naniniwala siya na ang pederalismo ang susi upang mabawasan ang katiwalian at hayaang umunlad ang iba’t ibang lalawigan at rehiyon, na magbubunga ng mas magandang buhay para sa mga normal na Pilipino.
Higit pa rito, sinabi ni Robin na hindi niya pinapayagan ang mga negosyante, contractor, at mayayamang tao na wala siyang personal na koneksyon na mag-donate ng pera sa kanyang kampanya para hindi siya maipit sa ‘utang na loob’ sa mga taong iyon.
Gayunpaman, pinapayagan niya ang mga personal na kaibigan at ang kanyang asawang si Mariel Padilla na mag-donate sa kanyang layunin.

Tinanong pa ni Boy, kung hindi nanghihingi ng donasyon si Robin, paano siya nangangampanya?
“Malaki naman po ang benta ni cooking ina eh,” birong sabi ng aktor na tinutukoy ang vlogging ng asawang si Mariel Rodriguez-Padilla.
Panoorin ang The Interviewer Presents: Senatorial Candidate Robin Padilla;
Noong nakaraang Pebrero ay naglaan ng oras ang mag-asawa para talakayin ang mga dahilan ni Robin sa pagtakbo sa senado. Ibinahagi ito ni Mariel sa pamamagitan ng isang vlog episode sa kanyang YouTube channel:
“Decided to do a sit down interview with Robin so he could share to everyone WHAT REALLY MADE HIM RUN. He and I both know the sacrifice needed from the both of us to really make this work and the adjustments that our family has to make, pero masayang masaya ako to have been blessed with a husband who loves the country as much as Robin does.”