Mapapa-Oh no! ka na lang talaga kapag ang iyong electric bill ay biglang sibat pataas katulad na lamang ng nangyari sa influencer-actress-model na si Sachzna Laparan.
Tayong mga karaniwang consumer ay sumasakit na kaagad ang ating ulo kapag lumalaki ang bayarin natin sa bills o kahit lumagpas lamang ito ng mahigit 2,000.
Sa photo na in-upload ni Sachzna sa Facebook ay makikitang mahigit P89K ang babayaran niyang electric bill. May caption itong, “A. Magpalit ng bahay” o “B. Magpalit ng pamilya.”

“Nagdilim paningin ko sa ‘yo Meralco.. Isipin ko na lang.. hotel itong bahay ko,” saad sa text ng influencer-actress sa larawang ipinost niya.
Talaga namang mapapaaray ka kapag ganyan kalaki ang iyong bayarin na sana ay naging ipon na lamang o pang-invest.
Sa comment section ay mababasang dahil sa init ng panahon ngayon ay mukhang laging nakabukas ang kanilang aircon; dahilan ng pagtaas ng kuryente ni Sachzna.
“Init kasi,” aniya. Mapapaisip ka tuloy kung gaano kaya kalaki ang bahay nila ng kaniyang pamilya.
Maraming netizens ang naka-relate sa ibinahagi ng aktres. May mga nagmungkahi sa kaniyang i-unplug ang mga kagamitang de-kuryente na hindi naman ginagamit.
Ayon pa sa mga nagkomento, subukan niyang gumamit ng solar panel dahil epektibo raw ito, lalo na kung hindi maiiwasan ang paggamit ng air-con. “Solar energy is the key.”

Bumuhos ang mga kwelang komento sa kanyang post.
“Kami nga po nagdilim paningin namin nung naputulan kami.”
“Baka walang patayan ung aircon n’yo. kahit 12 to 16hrs daily pwede na”
“Baka buong barangay pamilya niyo kaya ganyan kalaki kuryente niyo”
“Siguro kapag naputulan na kayo wala ka nang problema sa buhay HAHAHAHAH”
“Talo kaya sa ginebra kaya ganyan kataas ang singil ng meralco?”
Kamakailan ay inanunsyo ng Meralco (Manila Electric Company) na magtataas singil sila para sa buwan ng Marso.

Sinabi ng Meralco na ₱0.063 kada kilowatt hour (kwh) ang ipatutupad nilang dagdag-singil para sa March billing.
Gayunman, mas mababa anila ito kumpara sa estimate na pagtataas na ₱0.80-₱0.90/kwh.
Katumbas umano ito ng ₱13 taas sa mga kabahayang kumukonsumo ng 200 kwh kada buwan habang ₱19 naman para sa mga tahanang nakagagamit ng 300 kwh monthly.
Nasa ₱25 naman ang dagdag sa bayarin sa kuryente ng may konsumong 400 kwh kada buwan, at ₱31 sa konsumong 500 kwh.
Ang dagdag-singil umano ay bunsod ng pagsipa ng presyo ng coal at langis sa merkado.