'Most Wanted Person' sa Palawan nakatanggap ng birthday cake matapos maaresto sa mismong kaarawan

Tila naubos na ang suwerte ng isang “Most Wanted Person” sa Palawan matapos itong madakip ng mga awtoridad sa mismong kaarawan niya. Gayunman, sa halip na isang tipikal na hulihan ay naiiba ang naging paraan ng mga pulis dahil sa nasabing okasyon kaya naman nagdala ang mga ito ng birthday cake.

most wanted birthday cake

Ayon sa ulat ng Police Community Affairs and Development Group (CADG)-Western Visayas, nahuli noong nakaraang Abril 19 ang “Most Wanted Person” na si Allan Barrientos Delos Angeles sa Barangay Catiklan, Malay, Aklan.

Ani Police Lieutenant Ryan S. Batadlan, na officer-in-charge ng Altavas Municipal Police Station, magsasagawa na ng pag-aresto sa 44-anyos na residente ng Barangay Caticlan, Malay, Aklan nang malaman nila na nagdiriwang ito ng kaarawan noong araw na iyon. Dahil dito, binigyan nila ng birthday cake ang suspek na may nakababang warrant of arrest sa mga kasong Illegal Possession of Firearm at Frustrated Murder na inisyu ni Hon. Adelardo S. Escoses ng Branch 51 Regional Trial Court Puerto Princesa.

“Ang matagumpay na operasyon ay bahagi sa mas pinaigting na kampanya ng Philippine National Police laban sa mga wanted na indibidwal at sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa buong bansa,” saad ng CADG-Western Visayas.

Dagdag pa ni Batadlan, naging matagumpay ang pag-aresto sa suspek sa pakikipag-ugnayan ng Bataraza MPS, sa Puerto Princesa, Palawan; Regional Intelligence Unit 6; Aklan Provincial Intelligence Team; at 2nd Aklan Provincial Mobile Force Company.

most wanted birthday cake

Samantala, magkakaiba naman ang naging reaksyon dito ng netizens matapos maging viral sa social media.

May mga natawa sa nasabing balita. May mga natuwa sa ipinakita ng mga miyembro ng kapulisan. Mayroon din namang mga hindi ito nagustuhan dahil tila special treatment daw ito para sa isang suspek na may pagkakasala sa batas.

“Saan ka pa huli ka may cake ka pa.”

“Aba ayos, may sundo na may cake pa!”

most wanted birthday cake

Post a Comment

Previous Post Next Post