Isko Moreno may mensahe sa publiko, 'Life must go on. We must support'

Matapos tanggapin ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagkatalo nitong Martes ay hinimok niya ang kanyang mga tagasuporta na iwasang sumama sa anumang “gulo” at tulungan na lamang si dating Senador Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ng Aksyon Demokratiko standard-bearer na hindi magtatagumpay ang bansa kung walang pagkakaisa ng publiko.

Tayo na mga mamamayan ay may responsibilidad na suportahan, tumulong, at makiisa sa mga gawain, layunin, ng susunod na administrasyon. ‘Wag tayo, ako ay nanawagan, ‘wag tayo makikibahagi sa ano mang gulo, ano mang alingasngas, o ano mang hindi pagkakasunduan,” ani Isko sa kaniyang Facebook live.

“We have to give chance to a new leadership. Opo. Kailangan tayo bilang mamamayan para magtagumpay ang ating bansa, kailangan tayo ay nakikiisa. Sapagkat, mga kababayan, uulitin ko, tayo ay iisang bangka lamang,” dagdag pa niya.

Inihayag ito ni Isko matapos ang 2022 national at local elections kung saan nakakuha siya ng 1,890,765 na boto batay sa mga partial at unofficial na resulta, na naging ikaapat sa mga kandidato sa pagkapangulo.

Nanguna si Bongbong sa 31,048,896 na boto. Sumunod naman si Vice President Leni Robredo na nakakuha ng 14,798,295 na boto.

Ito ang nagtulak sa mga grupong kabilang sa sektor ng kabataan na magtipun-tipon sa harap ng pangunahing tanggapan ng Commission on Elections sa Intramuros, Maynila para magprotesta.

Pahiwatig ni Yorme, ang pagsali sa mga “conflicts” ay walang maidudulot na mabuti para sa bansa, komunidad, at buhay ng mamamayang Pilipino.

“Life must go on. We must support. Kaya sa ating mga lider, sa ating mga kasamang sumuporta, irespeto natin ang boto ng ating mga kababayan. Mahirap, middle class, mayaman, iisa ang bilang ng boto.”

Binati rin niya si BBM at iba pang mga kandidato, at tiniyak niya na hindi sila sasama sa ‘gulo.’

“Kay president elect Ferdinand Marcos Jr., I wish you all the best. Kami po, ako bilang isang ordinaryong mamamayan, pumanatag kayo na kami’y magkakaisa at hindi makikisali sa ano mang gulo.”

“Sampu ng aking mga kasama hangga’t kaya ko silang panawagan ay gagampanan ko bilang isang mamamayan. Sapagkat in a matter of few days, I will be… citizen Isko. Hindi na Yorme, citizen Isko na.”

Post a Comment

Previous Post Next Post