Online Thanksgiving speech ni Inday Sara Duterte hinangaan

Dahil sa napipintong pagkapanalo ng frontrunners ng Halalan 2022, naglabas na ng mensahe ang UniTeam preseumptive Vice President na si Sara Duterte-Carpio para sa mga sumuporta sa kanilang tandem ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr at ito’y umani ng mainit na pagtanggap at papuri.

Sa pamamagitan isang online thanksgiving event nitong Biyernes, Mayo 13, ay nagpasalamat siya sa lahat ng nakasama nila at nagbigay ng hindi matatawarang suporta sa UniTeam.

 

“Unang-una, gusto ko kayong lahat na batiin — at ang lampas 31.5 million na mga Pilipino, pati na ang mga OFWs at mga Pilipino na naninirahan abroad — sa inyong tagumpay at napakalaking panalo sa eleksyon. Congratulations po sa inyong lahat.

Kayo ang panalo dito. Ako — ako ang inyong kandidato. Ang inyong instrumento. Kayo ang nagdala sa akin sa puntong ito ng aking karera sa politika at pagsisilbi sa taumbayan at sa ating bayan. Dahil sa inyo, nandito ako.”

Ngayong natapos na ang halalan, panalangin niya’y kalimutan na sana ng sambayanan ang mga kulay na nagpakita ng pagkakahiwalay ng mga tao, na aniya’y naging mukha ng mainit na away ng mga supporter ng iba’t ibang kandidato..

“Noong kampanya sinabi ko na pagkatapos na eleksyon ay kailangan nating kalimutan ang mga kulay na naging palatandaan ng ating pulitika. Ang mga kulay na ito ay naging mukha ng mainit na away ng mga supporters.”

At dahil tapos na ang kampanya at eleksyon, panahon na para kalimutan ang mga kulay ng pagkakahiwa-hiwalay. Tapusin na natin ang pamumulitika. Dapat lamang na ang lahat ng mga nahalal sa pwesto ay manguna sa pagsiguro na lahat ng mga Pilipino — supporters man o hindi — ay mabigyan ng tamang serbisyo.

Gayundin, ipinanawagan niya ang patuloy na pagsuporta sa kanila ng kanyang running mate na si BBM.

“Mas higit na kailangan ni Bongbong Marcos ang ating suporta ngayon bilang bagong Pangulo ng Pilipinas — para magawa niya ang kanyang mandato.”

Ipinagdiinan din niya na ang kanilang tandem ay mananatiling nagsusulong ng panawagan para sa pagkakaisa ng lahat ng mamamayan.

“Ang Uniteam ni Bongbong Marcos at Sara Duterte ay patuloy na sasandal sa mga Pilipino na bomoto sa amin noong May 9.

“Sasandal kami sa inyo para magawa namin ang aming trabaho — ang aming mga pangako, mga plano, mga pangarap — hindi lamang para sa inyo na nagluklok sa amin sa pwesto kundi sa lahat ng mga Pilipino.”

Hinggil sa kanilang mga nakatunggali na supporters, hinihimok din niya ang mga BBM-Sara followers at supporters na maging mapagkumbaba.

“Tayo na po ang mauna na lumapit sa mga naka-tunggali natin na supporters ng mga natalong kandidato. Tayo na po ang magpakumbaba dahil tayo ang panalo. Tayo ang Sana all, tayo ang Sara All. We have to be magnanimous because we are only 31.5 million, kailangan natin sila para tayo ay maging isang 100% na bansa.”

Secretary, Department of Education

Pagdating sa iniatang sa kanyang posisyon bilang Secretary ng Department of Education, ito naman ang kanyang mensahe.

Binanggit niya ang kanyang pananaw at pangako sa sambayanan kaugnay sa planong pagtatalaga sa kanya sa Kagawaran ng Edukasyon.

Ako — bilang susunod na Secretary ng Department of Education — sisiguraduhin ko na ang ating gobyerno ay tumutugon sa tawag ng panahon. Nangako ako na isusulong ang mga reporma sa DepEd para makabuo tayo ng mga kabataang Pilipino na pursigido na makamit ang kanilang full potentials as individuals.

Iminumungkahi din niya na ang mga kabataan ngayon ay kailangang tumulong sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagkakaron ng disiplina at pagmamahal sa bayan.

Aniya, “Kailangan natin ngayon ang bagong henerasyon na may disiplina at pagmamahal sa bayan — mga batang Pilipino na tutulong sa pamahalaan para sa pagpapanday at pagpapatibay ng kapayapaan at kaunlaran sa ating bansa.”

Bilang pagtatapos, ipinahayag niya na sila ni Bongbong Marcos sa UniTeam ay hindi umano bibitaw sa panawagan ng pagkakaisa.

“Sa lahat ng parallel groups tutulong tayo sa ating mga kababayan, tuloy-tuloy ang ating trabaho sa June 30.”  

Ang kanyang pakiusap at paalala sa lahat… “Mahalin natin ang Pilipinas.”

Samantala, ang presumptive president na si BBM ay nagpadala naman ng isang video message ng kanyang pasasalamat sa volunteers at parallel groups na tumulong sa kanilang pangangampanya.

Panoorin ang thanksgiving video na sa loob lamang ng ilang oras ay humakot na ng halos 1M views, mahigit 45K comments at 13K shares:

Photo credit:  Mayor Inday Sara Duterte Facebook Page

Post a Comment

Previous Post Next Post