“Mag-aral po kayo” – iyan ang mensahe at payo ni Senator Drilon sa mga senador na pinroklama at naghahanda nang pumasok bilang mga miyembro ng Senado.
Mayo 9, 2022 nang ganapin ang National at Local Elections sa Pilipinas. Mabilis namang nakapag-transmit ng resulta ang mga Electoral Board members kung saan nanguna sa mga senatoriables si Robin Padilla na sinundan naman nina Loren Legarda at Raffy Tulfo.
Agad ding nag-concede sina Mayor Isko Moreno at Senator Manny Pacquiao na pangatlo at pang-apat na pwesto sa bilang ng mga tumakbong pangulo. Gayundin si Sen. Panfilo Lacson.

“Life must go on. We must support. Kaya sa ating mga lider, sa ating mga kasamang sumuporta, irespeto natin ang boto ng ating mga kababayan. Mahirap, middle class, mayaman, iisa ang bilang ng boto,” ani Moreno matapos mag-concede nang matalo sa eleksyon.
Basahin: Isko Moreno may mensahe sa publiko, ‘Life must go on. We must support’
“The election is over so let’s give unity a chance for the peace and development of our country. My decision to run was driven by my utmost desire to serve the country and uplift the lives of the poor Filipinos,” ayon naman kay Pacquiao.

Matapos mahalal at maproklama ng COMELEC ang mga nanalong senador ay nagbigay naman ng payo si Senator Franklin Drilon sa mga nahalal at nakapasok sa senado sa katatapos lamang na halalan.
Sa panayam sa kaniya ng ‘Sa totoo lang’ ng One PH, nagbigay ng pahayag si Senator Drilon sa mga makakasama niyang bago at maging sa mga betarano nang senador.
“Unang-una, ‘wag nating kalimutan na ang mga senador ay parang nasa aquarium ‘yan eh. Dalawampu’t apat lamang. Buong bansa nakatingin sa kanila.”

“Kaya ang aking payo sa aking mga kasamahan, unang-una mag-aral po kayo. Kung hindi tayo mag-aaral ay baka mapahiya tayo.”
Ang mga naproklama bilang senador ay sina Robin Padilla, Loren Legarda, Raffy Tulfo, Sherwin Gatchalian, Francis Escudero, Mark Villar, Alan Peter Cayetano, Juan Miguel Zubiri, Joel Villanueva, JV Ejercito, Risa Hontiveros, at Jinggoy Estrada.