Youth groups nagprotesta dahil sa pangunguna ni BBM sa Halalan 2022

Panawagan ngayon ng maraming mag-aaral sa ilang malalaking unibersidad sa Pilipinas ang pag-‘walk out’ para harangin ang posibleng pagdedeklara kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang bagong pangulo.

Nangyari ito habang nangunguna ang dating senador sa partial at unofficial tally ng 2022 elections kasabay ng pagpalya ng vote counting machines at pagkwestyon sa kredibilidad ng halalan.

“Tapat tayong lumahok sa eleksyon. Ngunit, pandaraya at paglabag sa batas ang sagot ng administrasyon. Hindi tayo papayag na pamunuan tayo ng mga magnanakaw at mamamatay-tao,” saad sa post ng UP Office of the Student Regent, ang pinakamataas na representasyon ng mga estudyante sa board of regents ng Unibersidad ng Pilipinas.

“COMELEC ACCOUNTABILITY, NO CLASSES UNDER A MARCOS PRESIDENCY. UP STUDENTS, WALK OUT!” dagdag pa nito.

Kaliwa’t kanan ang pagpo-protesta ng mga estudyante ng UP sa punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros Maynila.

Hindi lang mga ‘Iskolar ng bayan‘ ang nananawagan ng mga naturang walkout, kundi pati na rin ang iba pang mag-aaral ng ibang unibersidad. Kabilang dito ang student council ng Ateneo de Manila University, De La Salle University of Manila, Far Eastern Univerity, Polytecnic University of the Philippines,  University of Santo Tomas atbp.

“Sa panahon na lantaran ang kabi-kabilang anomalya sa halalan, hindi natin hahayaan na maluklok ang isang anak ng diktador at siyang sinungaling at magnanakaw,” ayon sa FEU Central Student Organization nitong Martes, Mayo 10.

 

“Inaanyayahan namin na makilahok ang bawat isa sa isasagawang electoral protest sa harap ng COMELEC main office Intramuros,” dagdag pa nito.

Si Bongbong ay anak ng napatalsik na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na nagkamal diumano ng limpak-limpak na nakaw na yaman at lumabag sa karapatang pantao ng marami noong panahon ng Martial Law.

Ang pamilya Marcos ay patuloy pa ring hinahabol ng Bureau of Internal Revenue dahil sa hindi pa rin nito pagbabayad ng estate tax, na sinasabing aabot na sa P203.8 bilyon.

Post a Comment

Previous Post Next Post