13-anyos na lodi sa bilyar, the next Efren 'Bata' Reyes na kaya?

Isang 13-anyos na batang taga-Sarangani ang nangangarap na mapasok ang mundo ng bilyar tulad ng kanyang idolo na si Efren “Bata” Reyes.

Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang batang si Jaybee na una umanong natutong maglaro ng bilyar noong siya ay siyam na taong gulang pa lamang.

Nagsimula siya bilang spotter sa isang bilyaran; ‘yung kumukuha ng mga bola para sa mga manlalaro.

Maliit na bata si Jaybee kaya’t dahil hindi maabot ang mesa ay nagpraktis siya gamit ang mga marbles. Para sa cue ay gumagamit siya ng puno ng ipil-ipil.

“Tinuruan ako ng aking Papa, paano planuhin, ang technique ng billiard” pagbabahagi ni Jaybee.

Makalipas ang tatlong taon, mas gumaling na siya at nagsimula nang makipagkumpitensya sa iba’t ibang mga paligsahan sa General Santos City.

Marami na siyang nakalaban; kahit na ang mga kasing edad niya at matanda ay natatalo niya sa laro.

Maging si Adam, ang may-ari ng bilyaran sa kanilang barangay, ay nagsabi na walang makapapantay kay Jaybee sa kanilang lugar maliban umano sa kanya.

“Sa ngayon, natatakot sila sa kanya. Wala nang babangga sa kanya. Ako lang,” wika ni Adam.

Si Adam, 42, ay naglalaro na ng bilyar sa loob ng 12 taon. Ngunit maging siya ay natalo kay Jaybee nang magharap sila sa kanilang laban.

Dagdag pa niya, “Dati, hindi ako kinakabahan. Ngayon, kaba na ako e kasi mas magaling na siya sa akin.”

Sa kanyang paglalaro ng bilyar ay nakapag-uwi na si Jaybee ng premyong pera; halagang P500 hanggang P7,000 na ibinibigay naman niya sa kanyang mga magulang para makatulong sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Ang kanyang ama na si Bobby ay isang magsasaka ng saging habang ang kanyang ina na si Jessica ay nananatili lamang sa bahay upang alagaan ang kanyang apat na kapatid.

Kahit na tinutulungan na sila ni Jaybee na maghanapbuhay sa pamamagitan ng bilyar, pinagsasabihan ni Bobby ang kanyang anak na unahin ang kanyang pag-aaral.

“Sinabihan ko na siya na ‘Bee, kung ano man ang gusto mo ipagpatuloy mo lang ‘yan. Pero, siguraduhin mo ang pag-aaral mo. Bago ka mag-billiard, mag-aral ka muna para maipatuloy mo ang nalalaman mo sa larong ‘yan,” sabi ng ama.

Ayon kay Jaybee sinusunod naman niya ang payo ng kanyang tatay.

“Nag-aaral muna ako. Kapag tapos na ang aral, tapos mag-module, pupunta ako sa mga bilyaran, doon mag-e-ensayo na rin ako. Gusto kong matapos ng pag-aaral, ‘yang billiard nandiyan lang ‘yan,” saad ni Jaybee.

Pangarap rin ng 13-anyos ang sumikat at matulad sa kanyang iniidolo na si Efren “Bata” Reyes na tinagurian bilang ‘The Magician’ dahil sa husay nito.

“Gusto kong sumikat parehas kay Efren Bata. Para makatulong ako sa aking mga magulang. Magpapagawa kami ng bahay kasi madaling masira ang bahay namin,” aniya pa.

Tulad ng maraming manlalaro ng pool, si Jaybee ay nabighani sa wizardry ni Efren.

Sa tulong ng KMJS team ay nagkita at masayang nakalaro ni Jaybee sa bilyar ang kanyang idol.

Kinuwentuhan ni Efren ang batang prodigy tungkol sa kanyang pagsisimula sa bilyar.

Tinuruan din ni Efren si Jaybee ng ilang billiard tricks at binigyan ng munting regalo — sarili nitong tako set upang mas makapagpraktis ito nang maayos. Ipinapasa na kaya niya ang kanyang ‘magic’ kay Jaybee?  🙂

Panoorin:

Post a Comment

Previous Post Next Post