Ilang buwan matapos mapabalita ang pananakit kay Ana Jalandoni ng noon ay kasintahan niya pang si Kit Thompson, nasa proseso na umano ng healing ang aktres at napatawad na rin daw nito ang aktor.
Sa tweet ng ABS-CBN News reporter na si MJ Felipe, makikita ang larawan ni Ana na recipient umano ng Most Empowered Celebrity Award. Wala na ang mga pasa at maaliwalas na ang mukha nito.
“Napatawad ko na siya,” wika umano ni Ana matapos makumusta tungkol sa “healing at moving on process” niya matapos ang nangyari sa kanila ni Kit.

Nitong nakaraang Marso, sa unang public appearance ni Ana matapos mauwi sa pisikal na pananakit ang hindi nila pagkakaunawaan ng dating kasintahang si Kit, naging emosyonal ang aktres habang inaalala ang mga nangyari dalawang linggo pabalik habang nasa Tagaytay City sila.
“Hindi ko deserve ‘yong nangyari sa akin. Kailangang ipaglaban ko ang sarili ko,” wika niya habang ipinagdidiinan na walang third party. Bagama’t inamin niyang kinasal siya noong 2017 sa United States, nilinaw ni Ana na 2018 pa natapos ang kanilang relasyon.
Dahil dito, naniniwala ang aktres na kahit hindi pa rin nawawala ang pagmamahal niya sa ex-boyfriend, nararapat lamang na ituloy niya ang mga kaso laban dito.
[RELATED: Ana sa ex-BF na si Kit: Ang love hindi agad mawawala pero tuloy ang kaso]
“Ang love naman hindi agad mawawala, nandiyan pa ‘yan, pero itutuloy ko pa rin ang kaso laban sa kanya,” aniya.

Bukod sa complaint na isinumite sa Philippine National Police noong March 19, dadagdagan pa ni Ana ng dalawa ang mga kaso laban kay Kit: frustrated homicide and illegal detention.
Matatandaang minsan na ring naglabas ng nararamdaman si Ana sa pamamagitan ng kanyang Facebook page. Nagbigay din siya ng babala sa ibang mga kababaihan para maiwasan na mangyari sa kanila ang naganap sa kanya.
“When you love someone, you will never ever harm them. Minahal mo ba talaga?” saad niya sa caption ng mga litrato niya, kabilang na ang larawang kuha matapos maganap ang nangyari sa pagitan nila ni Kit.
“This is me saying, you all should be careful out there,” dugtong niya.

[Kit Thompson humingi ng tawad kay Ana Jalandoni sa IG]
Nobyembre noong nakaraang taon nang tawaging “baby” ni Kit si Ana sa Instagram. Sa kalaunan ay nagsimula na rin silang magbahagi ng mga larawan nila na magkasama at tuluyan nang isinapubliko ang kanilang relasyon.
Nitong Abril, ibinahagi ni Ana na humingi na ng tawad sa kanya si Kit sa pamamagitan ng isang direct message o DM sa Instagram.