Nagsalita ang dating aktres na si Bunny Paras kaugnay sa kalagayan ni Moira, ang kanyang anak kay Mo Twister. Ibinunyag nito na “walang effort” ang radio personality para suportahan ang kanilang anak.
Si Moira ay may disability na kung tawagin ay Friedreich ataxia na nakaaapekto sa kanyang kakayahan na makapaglakad.
Ayon sa Genetic and Rare Diseases Information Center, ang Friedreich ataxia ay isang namamanang kondisyon kung saan ay naaapektuhan ang nervous system at nagdudulot ng probma sa paggalaw.

Ikinuwento ni Paras na ilang beses lamang nakasama ni Mo ang kanilang anak, matapos itong tanungin ni Ogie Diaz tungkol sa partisipasyon ni Mo sa pagiging magulang kay Moira. Ito’y mapapanood sa panayam ng host-comedian na si Ogie nitong June 13 na mapapanood sa kanyang YouTube channel.
“Wala akong nakitang effort. Mabibilang ko lang,” aniya. “Ang dami niyang puwedeng participation kung gusto niya [pero] hindi ko nakita ‘yung effort.”
Sinabi ni Paras na siya ay nakipag-ugnayan at humingi ng tulong kay Mo “nang maraming beses,” ngunit walang effort.
Samantala, nagbibigay lamang umano ng tulong pinansyal ang ina ni Mo para sa mga espesyal na okasyon ni Moira.

Nagsalita rin siya tungkol sa pagkakaroon ng “mixed emotions” sa pagmamahal ni Mo sa kanilang anak dahil hindi ito “consistent” sa pagiging ama ni Moira.
“Ghosting, deadma — hindi [niya] ako pinansin,” sabi niya. “Iparamdam mo naman sa bata na part siya ng immediate family mo — ‘yun sana ‘yung gusto kong makita.”
“Parang kung may galit siya sa akin, ‘wag na niya idamay si Moira. Mahalin niya,” dagdag niya pa. “Hindi ko alam kung anong nasa utak niya kasi hindi naman mahirap mahalin ‘yung sarili mong anak. Sarili mong dugo ‘yan e.”

Pagkatapos ay sinabi ng dating aktres ang tungkol sa relasyon nila ng kanyang anak at kung paano niya napagkukunan ng lakas si Moira sa kabila ng kapansanan nito.
“I’m just worried for the future but she makes me strong, Moira does,” sabi niya kay Ogie. “‘Pag nakikita ko siya mas kinakaya ko kahit na I know half of me ay nasasaktan for her.”
Samantala, ikinasal si Mo Twister sa kapwa niya DJ na si ‘Angelicopter’ at may dalawa silang anak; sina Lucas at Amsterdam.