Follow your passion: Pinay sa Norway pinatunayang may tagumpay sa flower shop biz kahit nagkapandemya

Kapag gusto, mapagtatagumpayan!

Ito ang napatunayan ng isang Pinay na unang nagtungo sa Norway bilang au pair, ngunit kalaunan ay nagmamay-ari na ng hindi lang isa kundi dalawang branch ng flower shop.

Si Grace Reyes ay unang nakipagsapalaran sa Norway bilang isang au pair noong siya ay 18 taong gulang pa lamang.

Nagustuhan ni Grace ang paninirahan sa bansang ‘yun at doon na rin nakatagpo ang kanyang kabiyak na kasama niyang bumuo ng pamilya. Ang mag-asawa ay may dalawang anak na.

Kahit noong au pair pa siya ay pinangarap ni Grace na magkaroon ng negosyo.

Nauunawaan niya na ang pagbubukas ng negosyo ay hindi biro, ngunit naisip niya ang isang negosyo na gusto niyang gawin at palaguin.

Dahil mahilig siyang mag-alaga ng mga halaman, naisip niya na maaaring magandang ideya ang negosyo ng flower shop.

Para simulan ang kanyang paglalakbay, nag-apply siya sa isang flower shop para maunawaan ang ganitong uri ng negosyo at matuto pa tungkol sa kung paano maghanda ng iba’t ibang produkto na maiaalok ng negosyong ito sa mga parukyano.

Nang makita kung gaano niya kamahal ang trabaho at pinahahalagahan ang dedikasyon na ibinibigay niya sa kanyang trabaho, inalok siya ng Norwegian niyang amo ng pagkakataon na maging boss sa pamamagitan ng pagbubukas ng sariling prangkisa ng flower shop.

Ang unang tindahan ni Grace ay tumagal na nang mahigit 8 taon at nagkaroon pa siya ng pangalawang tindahan na mahigit limang ​​taon na ring nag-ooperate.

Inamin ni Grace, na 52-anyos na ngayon, na nahirapan sila sa kasagsagan ng pandemya, ngunit mabilis nilang binago ang negosyo sa pamamagitan ng pagkuha ng mas maraming online na order kahit na pisikal na sarado ang kanilang tindahan.

“During pandemic, medyo mahirap kaya lang hindi naman talaga kami totally naapektuhan kasi ang daming nag-o-order ng flowers at masuwerte pa rin kami even though the shop is closed, kasi open ang aming online ordering,” pagbabahagi niya sa ABS-CBN.

“Para po doon sa mga tao na gustong mag-try mag-negosyo o magkaroon ng business dito sa Norway i-try lang po kasi kung hindi n’yo naman ita-try hindi n’yo naman malalaman,” dagdag pa niya.

Tunay nga namang walang limitasyon sa taong desidido. Mapa-Norway man o sa Pilipinas, tandaan na bahagi ng buhay ang mga ‘risks’. Mas masarap ang tagumpay na pinaghirapan at pinagsikapan.

Panoorin ang Kapamilya video:

Post a Comment

Previous Post Next Post