Video ng bride na kinabahan matapos dumugin ang kasal, trending

Usap-usapan ngayon sa social media ang isang kasalan sa Davao City matapos itong dumugin ng mga hindi inaasahang bisita.

Sa TikTok video ng organizer na si Vonric Layese ay kita sa mukha ng hindi pinangalanang bride ang pag-aalala nang makitang tila higit sa inaasahang bilang ang dumating sa kanilang kasal.

“Yung kasal mo na pero? Akala mo 100 pax lang ang dadalo? Pero buong barangay ang pumunta? Buti na lang daming handa nakakain po lahat,” sabi ni Vonric sa kaniyang video na halos 300k na ang like sa Tiktok.

“Buong barangay ang pumunta sa kasal mo. What a GRAND WEDDING,” biro pa ng organizer.

Kuwento naman ni Vonric sa isang panayam sa PEP, kuha ang trending video sa first dance ng bagong kasal. Tila kinabahan daw ang bride dahil nasaksihan niya ang siksikan sa pila para sa pagkain.

“Yes, kinabahan ang bride. At first kasi sobrang dami ng guests. Na-change ang original plan. Dapat program first bago magpakain ng mg bisita,” ani Vonric sa panayam sa PEP.

“Dahil request ng parents na dapat kumain muna bago ang program, hindi naiwasang nerbiyusin ng bride. Sa video na nakita, first dance nila ‘yon. At the same time, pumipila na ang mga bisita sa food. Hindi maiwasang magsiksikan,” dagdag niya pa.

Sabi pa ni Vonric, nasa 100 na bisita lang ang kakilala ng bagong kasal, at ang ilan daw ay taga-barangay na nila.

Gayunpaman ay naging matagumpay naman ang kanilang pag-iisang dibdib at kahit ‘di inaasahan ang ilang mga bisita ay napakain pa rin nila lahat. Ang bride, nakapagbiro pa ngang tila ngayon lang sila nakakita ng artista.

“Kinabahan ako. Parang ngayong araw lang tayo nakakita ng artista,” aniya.

Hati naman ang opinyon ng netizens kaugnay nito. Ang ilan, ipinaliwanag na ang mga kasalan sa probinsya ay dinudumog talaga, habang ang ilan naman ay sinabing dapat pumunta lamang kapag inimbitahan.

@vonric_layese Replying to @miss.sammiesammie buong barangay ang pumunta sa kasal mo, WHAT A GRAND WEDDING🥰 #vonric #vonricevents #vonricfamily #vonricteam #vonriclayese ♬ Oh No – Kreepa

Post a Comment

Previous Post Next Post