Sa kabila ng hindi magandang impresyon sa mga Badjao, pinatunayan ng apat na estudyanteng mula sa kanilang etnikong grupo na walang makapipigil sa kanilang pagtupad ng kanilang mga pangarap.
Si Basil Sali, dating professor sa Mindanao State University sa Tawi-Tawi, ay isang proud educator sa apat na mag-aaral na Badjao na nagtapos ng kanilang pag-aaral nang may honors.
Si Abdulkadil Jani ay nagtapos ng cum laude na may degree sa Elementary Education.
Nakamit naman ni Celine Malabong ang degree sa Bachelor of Secondary Education, Major in Mathematics, na may cum laude distinction.

Samantala, natapos ni Jurais Horen ang Associate in Office Management program at naging Exemplary Student na may Performing Arts Award pa.
Si Roben Abella, ang unang nagtapos na magna cum laude aa tribong Badjao sa MSU; kung saan nagtapos ito ng Master of Arts sa pagtuturo ng English Language.
Ngunit sa likod ng kanilang mga akademikong tagumpay ay ang kanilang pagpupursige na malampasan ang diskriminasyon at iba pang pakikibaka sa buhay.
“Madaming mga pangungutya in my educational journey. Actually, nung elementary, ‘di talaga maiiwasan ‘yung binu-bully ako, pinagtatawanan ako because of my tribe- na isa akong Badjao,” ani Abdulkadil Jani sa ‘The Philippine Star’.

“‘Nung nag-senior high po ako and nag-college, kinailangan ko pong pumunta sa Bongao (municipality), para mag-aral. Para tuparin ‘yung pangarap ko at ang pangarap ng pamilya ko para sa akin,” pagbabahagi naman ni Celine Malabong.
Sa pamamagitan ng hindi mabilang na mga sakripisyo at pag-iisip na magpatuloy sa kabila ng gayong mga hamon, naabot nila ang kanilang sariling milestone na tiyak na sulit.
May pagmamalaki at karangalang kinilala ni Teacher Sali ang mga kapansin-pansing tagumpay na ito ng mga mag-aaral ng Badjao bilang isang kahanga-hangang laban para sa grupong etniko.

Ang mga mahuhusay na mag-aaral ng Badjao ay umaasa na makapagbigay-inspirasyon sa mga kapwa miyembro ng tribo nila na ituloy din ang kanilang mga pangarap.
“Huwag po tayong bast-basta sumuko sa hamon ng buhay. Dahil minsan po, ang mga hamon na ‘yon, ‘yung nagpapatagtag sa atin bilang isang indibidwal,” ani Celine.
“Para sa mga kababayan kong Badjao, huwag po tayong mahiya. Huwag po tayong tumigil, abutin natin ang pangarap natin. Sa mga taong nagsasabi sa’tin na ‘di natin kaya, ipakita natin sa kanila na hindi hadlang ang kahirapan. Hindi hadlang ang pagiging Badjao na hindi tayo makapagtapos ng pag-aaral,” payo naman ni Abdulkadil.
Congratulations sa inyo!
Panoorin ang feature na ibinahagi ng PhilStar sa Facebook page nito.