Happy reunion! Dating child stars ng 'Popcorn' Joshua Dionisio, Eliza Pineda muling nagkasama

Nagkaroon ng reunion kamakailan ang mga dating child stars na sina Joshua Dionisio at Eliza Pineda sa birthday party ng huli.

Ibinahagi ni Joshua ang kanilang mga snapshot kay Eliza sa kanyang Instagram page na labis na ikinatuwa ng kanilang mga tagahanga.

“8.25.2022 literally #throwbackthursday happy birthday @mariaelizapineda,” saad sa post ni Joshua sa social media.

“Ang bilis magpost ha!” pagbibiro ni Eliza sa comments section.

Ipinagdiwang ni Eliza ang kanyang kaarawan noong Agosto 25.

Matatandaang kapwa sila nagbida sa teleseryeng Kung Fu Kids noong 2008. Naging bahagi din sila ng Maria Flordeluna noong 2007.

Sila rin ang gumanap sa MMK na pinamagatang ‘Popcorn’ na nag-viral noon; kakabit ng mga sikat na linya na nagpakilig at nagpaiyak sa mga teenagers noon.

“May pa jenny jenny ka pa diyan, manloloko ka. Bakit mo naman ako niloko?  Alam mo namang mahal kita, ‘di ba? Binigay ko naman lahat ng gusto mo? Pano mo ba kasi gustong mahalin ka ha?”

Matagal nang wala sa limelight si Eliza para asikasuhin ang negosyo ng kanyang pamilya. Siya rin ay kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang manunulat sa ilang kompanya.

“When I was a teenager gusto ko talaga i-pursue ‘yung writing along with acting. So when I was that age din, nag-start din ako maghanap ng mga opportunities na I can develop my writing skills and fortunately nakahanap naman ako. During the pandemic lalo ko siyang pinursue. Right now I write for various companies, PR, ganun. Press release, vlogs, mga copywriting, stories, feature stories, et cetera,” sinabi niya sa isang panayam sa PUSH Bets Live noong Hulyo.

Samantala, ginawa ni Joshua ang kanyang huling acting project noong 2017 sa Wattpad Presents: Special Edition sa TV5.

Siya ang kasalukuyang host ng palabas na Good Morning Kuya sa UNTV.

Samantala, nagbahagi rin si Kristel Fulgar ng ilang larawan noong nasabing pagdiriwang kung saan makikita ang iba pa nilang kaibigan sa showbiz.

Aniya, “Cheers to another year bota!” (emojis)

Post a Comment

Previous Post Next Post