Umaasa pa rin ang aktor na si John Arcilla na makapagbubuo siya ng pamilya at magkakaroon ng sariling mga anak, ngunit aminado siyang nagdadalawang-isip dahil sa kanyang edad.
Ikinuwento ng award-winning actor ang mga naging relasyon niya kung saan muntik na siyang bumuo ng pamilya, sa panayam ng comedian-talent manager na si Ogie Diaz, na ibinahagi sa kanyang YouTube channel noong Agosto 22.

“Nagkaroon ako ng dalawang seryosong relationship na almost nagkaroon ng family pero hindi natuloy. Hindi ako pinalad na magkaanak pero almost nando’n na,” paggunita ng aktor. “Siguro may ibang plano sa akin ang Diyos.”
“Pero pangarap mo ‘yan — na magkaroon ka ng sarili mong pamilya?” tanong ng talent manager.
Sumagot naman ang 56-anyos, “Oo naman, tsaka kayang-kaya pa naman.”
Bagama’t umaasa pa rin si John sa kanyang pangarap na magkapamilya, inamin ng aktor na mahihirapan siyang makamit ito dahil sa kanyang edad at career commitments.

“Kaya lang, sa dami ng responsibilidad mo ngayon, parang natatakot ka na. Tsaka sa age bracket ko, parang nagdadalawang isip na rin ako, although gusto ko pa rin,” aniya. “Walang problema. Hindi naman ako baog e.”
Nang tanungin kung anong nararamdaman niya ngayon, nagpahayag ng kasiyahan ang aktor.
“Masaya ako dahil and daming mga blessings, ang daming accolades, ang daming recognitions. Maraming challenges pero alam ko na siyang i-hurdle,” dagdag pa niya. “Sinasabi ko sa puso ko na mag-enjoy na lang, magmahalan na lang.”

Ginampanan ni John ang kontrabida role na si Renato Hipolito sa TV series na ang “FPJ’s Ang Probinsyano” na nagtapos kamakailan sa pitong taong ipinalabas ito.
Dahil sa kanyang makatotohanang paglalarawan ng kanyang karakter, nakatanggap si Arcilla ng mga banta mula sa mga manonood, na nag-udyok sa aktor na hilingin sa mga manonood na “Serye lang po, walang Personalan.”
Panoorin ang panayam: