Libangang may pakinabang: Pinoy 'Farmville' sa Italy kumikita ng higit €2,000 tuwing summer season

Muling naghahatid ng inspirasyon ang isa nating kababayan sa bansang Italya.

Sa isang feature ng Kapamilya Network via TFC News ay ibinida muli ang Pinoy na madiskarte at ubod ng sipag na si Lino Gutierrez Mandigma. Sipag at tiyaga umano ang puhunan ng isang overeseas Filipino worker (OFW) sa Italy upang magkaroon ng extra income para sa pamilya.

Siya ay nagtrabaho sa Parma, Italy bilang isang household service worker simula pa noong 1999. Dati siyang guro sa elementarya sa Pilipinas.

Libangan na may kita

Ang pangarap niyang magkaroon ng sariling farm ay nanatili umano sa kanyang isip at puso kaya kahit ang maliit na espasyo sa kanilang tinitirhan ay tinaniman niya ng mga gulay.

Nang makabisado na niya ang klima at mahusay na pag-aalaga ng tanim doon ay nagrenta na siya kalaunan ng bakanteng lote mula sa pamahalaan ng Italian. May sukat itong 150 square meters at binabayaran niya ng 90 euros kada taon o katumbas ng humigit-kumulang limang libong piso.

Mahigit dalawang dekada (23 taon) na siyang nagtatanim ng mga gulay bukod sa kanyang pagiging household service worker at barbero.

Paglalahad pa niya, naging malaking tulong ang kanyang pagtatanim lalo na nitong pandemya. Hindi ito madali dahil kailangan ng masinop na pag-aalaga, ngunit para kay Lino, kapag may passion tayo sa isang bagay o gawain, nagagawaan ito ng paraan.

Pinakamainam umanong magtanim sa Italy tuwing summer – mula Hunyo hanggang Agosto – dahil ang araw ay lumulubog halos alas-nuwebe na ng gabi. Kahit daw galing sa trabaho ay marami pa siyang oras para sa kanyang hardin.

Tuwing summer ay umaabot umano sa 2000 euros o P100,000 ang benta niya sa mga gulay na inani.

Ang klima doon kapag summer ay kahalintulad umano ng klima sa Pilipinas, Ang maganda raw sa Italy ay sagana ang water supply kaya walang problema sa pagdidilig.

Halos lahat na yata ng gulay na nababanggit sa kantang “Bahay Kubo” ay mayroon sa kanyang hardin. Ang amplaya raw ang pangunahing gulay na pananim niya dahil iyon ang pinakamabili sa mga kapwa Pinoy na nasa Italy. Kasunod ay ang bawang at sibuyas.

 

Kapag malamig ang panahon ay nagiging mas maganda ang mga bunga ng tanim niya dahil kakaunti lang ang mga insekto.

Nito lamang Agosto 22 ay nagbahagi siya ng isang Facebook video ng kanyang ani. Aniya, “Another bountiful harvest in the month of August in my garden here in Italy.”

Aba, huwag isnabin. Ang gaganda ng kanyang mga ani ha. Masuwerte ang mga Pinoy doon at hindi nila mami-miss ang dininding at pinakbet.

Isa pang pinagkakaabalahan niya ay ang kanyang YouTube channel na Lino Mandigma TV na may 3,600 subscribers. Dito niya ibinabahagi ang kanyang ‘farmville’ activities at mga tips. Ang iyong pagtangkilik ay kanyang pasasalamatan!

Para kay Lino, nag-eenjoy ka na, may dagdag kita ka pa!

Panoorin ang Kapamilya video niya:

Post a Comment

Previous Post Next Post