Masuwerte ang mga rescued dogs na nagkakaoon na kalaunan ng sarili nilang fur home, gaya ng aspin na si Popoy.
Kamakailan ay ipinagdiwang ang kauna-unahang “National Aspin Day”.
Isa itong espesyal na araw para sa mga Filipino dog lovers, lalo na yaong mayroong mga aspin fur babies. Idineklara ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang August 18 bilang National Aspin Day. Taong 2007 nang ginawang ‘aspin; ang termino para sa mga asong Pinoy. Hindi kasi mainam na tawaging ‘askal’ o asong kalye ang Pinoy dogs na labis din naman nating pinahahalagahan.
Kaugnay dito, sa isang Facebook post ay ibinuhos ni Jelai Andres ang katotohanan sa likod ng kuwento ng pag-ampon niya sa isang aspin (asong pinoy) na tila nakatadhana. Isang aspin kasi ang bumihag sa puso ng aktres-vlogger — si Popoy.

Sa serye ng mga larawang ibinahagi niya ay makikita ang kanilang unang pagkikita ni Popoy sa isang gawain na idinaos nila sa PAWSsion Project; isang Philippine-based non-profit organization na nagre-rescue, rehabilitate at nagrerehoming ng mga hayop na nangangailangan ng kalinga.
Pagbabahagi ni Jelai, “Si Popoy ngayon at si Popoy dati! Andito sa pic nung 1st time kita mameet napakaganda ng ngiti mo saakin at hangang ngayon mas lalong gumaganda ang ngiti mo. Isa ka sa pinakamagandang desisyon na ginawa ko! We are both finally happy!”
Naiuwi na niya si Popoy matapos nilang ayusin ang mga requirements sa pag-ampon. Kasunod nito ay ang pangako ni Jelai kay Popoy.

“I promise laging puno ang tiyan mo ng masasarap na pagkain na hndi mo nararanasan noon at di ka na matutulog sa malamig na kalye at di na magkakalkal ng basura para makakain. Di ka na matatakot dahil yayakapin kita gabi gabi sa malambot na kama! Di ka na mababasa sa ulan at matatakot sa kulog! Mamahalin kita forever anak.”
Marami ang natuwa sa pag-ampon niya ng aspin dahil kadalasan ay mga may breed ang pinag-aagawan ng mga nais umampon ng rescues. Ngunit ang katotohanan, ayon kay Jelai, hindi siya ang nagligtas kay Popoy, kundi ito ang nagligtas umano sa kanya.

“Naiiyak ako tama na! Salamat sa pagpapatigil ng luha ko nang mga panahong hindi ko na kaya at pinaglalaruan ako ng mundo. Salamat sa loyalty at happiness na walang katumbas. Sabi nila, salamat dw sa akin at nai save kita but hindi nila alam ikaw ang nag save sa akin anak ko (emoji) Naiiyak n talaga ko tama na. Happy National Aspin day! #Popoythegoodboy #Aspin #Rescuedog #Pawssionproject “
Makikita sa mga larawan ang napasyalan nila ni Popoy at ang araw-araw halos nilang magkasama maging sa pagtulog. Ang ganda na ng pangangatawan ni Popoy. Pansinin din ang blooming na si Jelai. Happy together sila!
Basahin: Jelai Andres emosyonal sa sinapit ng kanyang mga fur babies
Matatandaan na noong Hunyo ay ibinahagi ng aktres-vlogger sa YouTube ang nakababagbag-damdaming balita kaugnay sa kanyang mga fur babies na sina Kitty at Neko na binawian ng buhay dahil umano sa tila may nanglason sa mga ito.
Pagsusumamo niya, parte ng pamilya ‘yung mga alaga, ‘wag gawaan ng masama. Wala umanong kalaban-laban ‘yung mga aso.
Iba talaga kapag mga alagang aso o pusa ang nawala dahil hindi maipaliliwanag ang sakit ng iyong mararamdaman kapag napamahal na sa iyo ang mga hayop lalo pa’t naging emotional support mo.
