Isa sa mga unang rehistradong babaeng arkitekto sa bansa ay umabot na sa 100 taong gulang.
Bilang pagkilala sa sandaling ito, binigyan siya ng pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa ng cash gift na P100,000, ayon sa mandato ng batas.
“Happy 100th, Lola Aida!” saad ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon sa isang Facebook post.

“Personal ko pong binisita si Gng. Aida Cruz-Del Rosario para ibigay ang kanyang P100,000 Centenarian cash gift mula sa Pamahalaang Lungsod, sa pamamagitan ng OSCA Muntinlupa,” dagdag pa niya.
Ang OSCA ay tumutukoy sa Office for Senior Citizens Affairs.
Ibinahagi rin ni Biazon ang larawan ng centenarian sa kanyang post.
Si Aida Cruz-Del Rosario ay ipinanganak noong Agosto 11, 1922 sa Pilipinas sa panahon ng mga Amerikano.
Ayon sa city chief, siya ang kauna-unahang rehistradong babaeng arkitekto sa Pilipinas at ang unang babaeng nagtapos sa architecture na sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Gayunman, sinabi ng isang mananalaysay na si Cruz-Del Rosario ang ikasiyam na rehistradong arkitekto sa bansa na may License No. 270. Inilahad din nito ang una hanggang ikawalong registered female architects

Sinasabing si Mercedes Raffiñan ang unang babaeng arkitekto, na mayroong License no. 45.
Sinabi ng UST sa isang hiwalay na post na si Cruz-Del Rosario ay isa sa mga unang nag-enroll sa BS Architecture program nito.
“A Thomasian alumna who was one of the first to enroll in the BS Architecture program of the UST College of Architecture turned 100 recently,” ayon sa UST.
“Ms. Aida C. del Rosario was one of the early female students who entered the then-male-dominated profession, which now has in its ranks more female architects who received their education in our University,” dagdag pa ng pamunuan.
Itinatag ng unibersidad ang departamento ng Arkitektura noong 1930. Noong panahong iyon, 8 taong gulang pa lamang si Cruz-Del Rosario.

Ayon sa mga ulat, si Cruz-Del Rosario ay pumuwesto din sa ikapito sa licensure exam.
Ang kanyang asawa ay ang yumaong inhinyero na si Jose del Rosario, na kanyang kasama sa pagtatayo at pagdidisenyo ng mahigit 120 bahay, edipisyo, at ospital mula Luzon hanggang Mindanao.
Ang mga naiulat na pinakamahuhusay na gawa ni Cruz-Del Rosario ay karamihang nasa Baguio, kabilang ang ilang mga bahay at ilang bahagi ng orihinal na istraktura ng Unibersidad ng Baguio.
Samantala, ang Republic Act 10868 o ang Centenarians Act of 2016 ay nag-uutos sa pamahalaan na parangalan ang mga mamamayang umabot na sa 100 taong gulang upang mabigyan ng mga sumusunod:
- Liham ng pagbati mula sa pangulo na binabati ang indibidwal para sa kanyang mahabang buhay;
- Isang centenarian na regalo sa halagang P100,000
Pagbati kay Ginang Cruz-Del Rosario.