Ang actor-turned politician na si Jason Abalos at actress, model at beauty pageant titleholder na si Vickie Rushton ay nagdaos ng kanilang pangatlong prenup shoot na may temang Filipiniana.
Sa mga larawang inilabas noong Martes, Agosto 16, na ibinahagi sa Instagram account ay makikita si Jason na naka-barong habang si Vickie ay nakasuot naman ng puting Filipiniana. Pareho silang nakaupo sa harap ng Pantabangan Dam sa Nueva Ecija.

“Pinili ko ang Pantabangan, para maipagmalaki sa lahat ang ganda nito,” paglalahad ni Jason.
“Pinalubog ang lumang bayan ng Pantabangan para bigyan daan ang pagpapagawa ng Hydroelectric Power Plant noong panahon ni President Marcos.”
“Kasabay nito ay nawalan ng sakahan na pangunahing kabuhayan ng mga Pantabangeño. Napatubigan ang mga sakahan sa mga kalapit na bayan, at nakapag supply ng kuryente na makakadagdag sa pangangailangan ng bansa. “

“Hanggang sa ngayon, ang tanging maaasahan na ng mga kababayan ko ay ang palakasin ang turismo. Kaya iniimbitahan ko kayong lahat sa aming bayan. Marami ditong Water sports na pwede gawin.”
“Malinis ang simoy ng hangin at magaganda ang tanawin, twing summer at mababa ang level ng tubig ay nagpapakita ang lumang simbahan sa gitna ng tubig.”
Si Jason, na nanalo ng puwesto bilang Board Member sa Ikalawang Distrito ng Nueva Ecija noong May 2022 elections, ay nagpost ng pren-up shoot at ikinuwento ang kasaysayan ng Pantabangan Dam, at nag-aanyaya sa mga netizens na bisitahin ang kanilang bayan.

Nitong nagdaang Hunyo, ibinunyag ng magkasintahan na engaged na nga sila noong Setyembre 2021.
Basahin: Jason Abalos, inihayag na engaged na kay Vickie Rushton noong Setyembre 2021
Pumasok si Vickie sa showbiz bilang dating Pinoy Big Brother housemate, at kalaunan ay sinubukan ang kanyang stint sa pageantry. Naging first runner-up siya sa Binibining Pilipinas 2018 pageant, at nagtapos bilang bahagi ng Top 15 sa 2019 edition.
Bago pumasok sa pulitika, gumanap si Jason sa serye ng ABS-CBN na Bridges of Love, Two Wives, at Langit Lupa, at sa serye ng GMA na Bihag at Las Hermanas.
View this post on Instagram