Naantig ang mga netizens sa larawan na ibinahagi ng Facebook page na ‘Pilipino Star Ngayon Digital’ kung saan makikitang nag-selfie si Kevin Conrad Ibasco sa puntod ng kanyang mga magulang.
Si Kevin, na mula sa Tayug, Pangasinan, ay isang BA History Magna Cum Laude graduate sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Maynila.
Dahil sa kanyang tatag sa buhay ay naitawid niya ang kaniyang pag-aaral kahit wala na siyang mga magulang at naisakatuparan niya ang makapagtapos ng kolehiyo.

“I never imagined na gra-graduate ako at makakakuha ng inaasam na degree na walang both parents. Daddy and mama (as what I call them) are my avid fans and alam ko na ako ang kanilang paboritong anak (being a bunso),” kuwento niya.
Hindi naman inaasahan ni Kevin na matatapos niya ang high school at college life nang walang inaasahang mga magulang.
“Ang hirap pala kapag may kulang sa family. During high school naman, I believe mama’s boy talaga ako. Given nga na mas matagal ko siyang nakasama kaysa kay daddy. Stage mother si mama. Lahat ng contests din pati awarding of honors, nandiyan siya,” ani Kevin.

Sumakabilang-buhay umano ang kaniyang ama noong siya ay 10 taong gulang pa lamang dahil inatake ito sa puso. Hanggang makapasok siya sa PUP ay hindi rin niya inasahan na magkakasakit ang kaniyang ina.
Na-diagnose kasi ito na mayroong Stage 5 Chronic Kidney Disease, at nahawaan pa ng COVID-19.
“Until now, may binabayaran pa rin kami na ilang milyon para rito. Hindi ko ma-imagine na mararanasan ko ang lahat ng pagsubok na ito – habang isinasabay ang pag-aaral. Minsan, natanong ko rin sa sarili ko kung may rason ba ang lahat kung bakit nangyari ang mga ito.”

“Katulad ng pagtatapos ko sa elementary na walang father, nagtapos naman ako ng kolehiyo na walang mother,” ani Kevin.
Payo naman niya sa mga kapwa niya, “Para sa mga mag-aaral na may mga pinagdadaanang pagsubok sa kasalukuyan, huwag po kayong mawalan ng pag-asa. Magpursige sa mga ginagawa. Dahil at the end of the day, mayroon man o wala na ‘yung mga humubog sa kung sino tayo, masasabi natin na nagtagumpay tayo sa iba’t ibang laban sa tulong nila.”
Ayon sa Bombo Radyo Dagupan, si Kevin ay isang aktibong advocate at founder ng isang calamity/disaster preparedness group, ang Pangasinan Youth for Disaster Risk Reduction and Management, na nagpaabot din ng pagbati at pgpupugay sa kanya.
