Napakamurang sofa sets, too good to be true?
May paalala ang Kalibo Cable TV Network Inc, Bombo Radyo Kalibo at GMA News sa publiko kaugnay sa mga mapanlinlang na produkto na ibinebenta mula sa isang delivery truck sa Aklan sa ilang barangay.
Lumalabas kasi na ang ilang residente ng Libacao at New Washington sa Aklan ay naengganyong bumili ng mga sofa sets sa halagang P4,500 lamang mula sa isang delivery truck seller. P12,500 umano ang orihinal nitong presyo.

Ayon umano sa pahinante ng delivery truck, ang mga naturang aytems ay tira mula sa mga stock o kaya’y mga na-pull ou umano sa mall. Sa kasamaang-palad, dalawang linggo pa lamang ang lumipas ay bumigay at nangasira na ang mga nasabing sofa na binili sa kanila.
Napakahuna ng pagkakagawa sa mga sofa at nadiskubre nilang imbes na mga foam ang pinakaloob ng sofa, sangkatutak na karton ang ipinalaman dito. May mga kahoy rin umanong kasama na tila mga panggatong.
Nai-report na umano ito sa mga awtoridad. Sa kabutihang-palad ay may mga nakakuha ng litrato ng pahinante at ng plate number ng mga truck kaya’t inaasahang matutunton ang mga scammer na nasa likod ng panlolokong ito.

Bumuhos naman ang paalala at payo ng netizens sa pangyayaring ito. Mayroon ding nagbahagi ng kahalintulad na karanasan.
“Nakaabot Yan sa Antique meron din sila nabiktima.”
“Naganyan din kuya ko, goma lang pala kaya malambot nung una …ilang linggo lang bumigay na.”
“Wag kayong maniwala sa naglalako sa truck. Naloko din asawa ko na bumili ng kama 4800 nakasulat original daw na foam pero ng ilagay sa sasakyan ang gaan gaan, nong after one week sira agad. noong tinignan namin sa loob puro gawa pala sa marupok na kawayan. manloloko ang mga yan.”
“Wag kasi kayo basta bibili sa mga ganyang alok, may isa naman company na mapagkakatiwalaan sa ganyan at subok na matibay at matatag pang matagalan pa, original na foam, bawal sila maglako niyan talaga mismong outlet dealer lang nila.”
“Sila din yung nag iikot at umaalok ng bed at sala set dito sa Iloilo, closed Van ang service ang sabi lang naka promo daw si uratex.”
Kung matatandaan, taong 2020 naman nang malantad ang mga unan na ibinebenta na ang laman ay mga facemasks. Kaya naman tandaan, na kapag sa naglalako ka bumili, hindi iyan sigurado pagkat hindi mo na sila muling makikita. Sa mga may puwesto at kilalalang supplier lamang bumili ng inyong mga pangangailangan upang makaiwas sa mga scam.
Tignan ang laman ng mga sofa sa video na ibinahagi ng Kapuso Network. Lamang ang may alam; makaiiwas sa mga mapanlinlang.
