Inihayag ni Angelica Panganiban ang hirap at hamon ng pagpapa-breastfeed habang ginagampanan niya ang kanyang bagong tungkulin bilang isang newbie mom sa kanyang anak.
Sa isang Youtube video, nag-usap ang aktres at ang kanyang fiancé na si Gregg Homan kaugnay sa hirap na naranasan nila bilang first-time parents habang nasa labas sila sa isang parking lot date.

Habang nagsasalita si Gregg tungkol sa ‘walang tulog’ sa yugtong ito ng pagiging magulang, idinagdag ni Angelica ang kanyang mga saloobin sa breastfeeding at ibinahagi na mas madali umano ang manganak.
“’Yung breastfeeding kasi mas mahirap siya sa labor. ‘Yung labor kasi alam mong may katapusan, alam mong parang 24 hours siguro maximum tapos ka na.
“Matatapos at matatapos din ‘yan pero ‘yung breastfeeding – wow, ilang taon to? Ilang taon ‘tong commitment na gagawin mo, ‘yung discipline, yung commitment, ‘yung pain na titiisin mo para lang makakain anak mo,” sabi ng aktres.

Ibinahagi ng 35-anyos na aktres na ang pagbe-breastfeed ang dahilan kung bakit siya ay humanga sa kanyang mga kapwa ina.
Dagdag pa niya: “Napaka-saludo ko talaga sa lahat ng mga pa-dede moms dahil nakakabilib yung mga ginagawa niyo.”
Sa isang nakaraang post sa Instagram, ibinahagi ni Angelica ang kanyang bagong nahanap na “kayamanan” – ang kanyang gatas bukod sa kanyang anak.

“Mga kayaman ko lately, bukod syempre sa anak ko,” saad sa kanyang caption sa IG.
Basahin: Angelica Panganiban announces engagement to Gregg Homan: ‘Ikakasal ako!’
Ibinahagi nila ni Gregg sa kanilang YT channel kamakailan ang kanilang engagement.
Bago lumuhod para magtanong, sinabi ni Gregg kay Angelica, “Love ko, maraming paraan para sumaya sa buhay na ‘to, pero ikaw lang yung kailangan ko.”

Napaluha ang aktres nang sumagot ng oo kay Gregg, “Ikakasal ako.”
Kinalaunan ay nagbiro si Angelica na baliw si Gregg sa pag-propose sa kanya habang siya ay buntis, “May baliw na nag-propose sa akin. Ewan ko, dead na dead sa akin. Kahit anong kabaliwan ko, pangit ng ugali ko, mahal na mahal ako. Nagpropose sa buntis na mainit ang ulo.”