Karla Estrada, itinanghal bilang ‘Mrs. Universe Philippines Advocate Queen 2022’

Masayang tinanggap ng dating host ng ‘Magandang Buhay’ na si Karla Estrada ang pagkilala sa kanya bilang Mrs. Universe Philippines Advocate Queen 2022.

Sa Instagram ay nagbahagi siya ng video clip na may background song na ‘Ikaw Ang Miss Universe’ at nagpasalamat na siya ang napili sa pageant na iyun.

“THANK YOU MRS. UNIVERSE PHILIPPINES FOR CHOOSING ME AS MRS.UNIVERSE PHILIPPINES ADVOCATE QUEEN 2022! Cheers to all momshies! We are all QUEENS!!!” pasasalamat niya at mensahe sa kanyang post.

Kinoronahan si Karla bilang Mrs. Universe Philippines Advocate Queen sa mismong gabi ng pageant sa Okada Manila.

Binati naman siya ng kanyang mga followers at mga kapwa celebrities at pinusuan ang post niya sa IG.

Samantala, kinoronahan si Mrs. Universe Philippines 2022 Veronica Yu sa Okada Manila. Aktibo siya sa kanyang Rotary District 3780 sa Cubao, Quezon City. Siya ay isang entrepreneur, Philippine Air Force reservist, at youth service chair sa Rotary Club of Cubao – Crossroaders District 3780.

Siya ang magiging kinatawan ng bansa sa Mrs. Universe pageant na gaganapin sa Seoul, South Korea sa Disyembre 3-11, 2022.

Ilan pa sa mga nagwagi sa naturang beauty contest ay sina Gines Santiago-Angeles ng Nueva Ecija (Mrs. Universe Philippines–North Pacific Asia), Lady Chatterly Alvaro-Sumbeling ng Pangasinan (Mrs. Universe Philippines-Northeast Asia), Jeanie Jarina Macabus ng Valenzuela (Mrs. Universe Philippines–West Pacific Asia), Jessa Macaraig ng Bulacan (Mrs. Universe Philippines–Pacific Continental), at Michelle Solinap ng Iloilo (Mrs. Universe Philippines–Continental Asia).

Bilang nakoronahang Mrs. Universe Philippines Advocate Queen ay abalang-abala rin si Karla sa kaniyang gawain bilang volunteer sa Tingog Party-list.

“Unang-una maraming salamat sa inyo pong mainit na pagtanggap sa amin dito sa Pagsanjan, Laguna, sa pangunguna ng napakabuting mayor, Mayor Cesar Areza. Personal po akong pinadala ni House Speaker Congressman Ferdinand Martin Romualdez at ng TINGOG Partylist na pinangunguhan ni Congresswoman Yedda Marie Romualdez,” aniya pa sa kanyang IG post.

Post a Comment

Previous Post Next Post