Teacher, may realisasyon sa tatlong estudyanteng nagsasalo sa payak na tanghalian

Kamakailan, isang guro mula sa Kauswagan National High School sa Trinidad, Bohol ang napukaw ang atensyon sa tatlo nilang estudyante na nagsasalo-salo sa kanilang kaunting pagkain sa tanghalian.

Hindi niya naiwasang mapaisip sa aral na hatid ng tagpong kanyang nasilayan.

Sa Facebook post ni Barry Anthony Cajes sinabi niyang lumapit siya sa bintana ng laboratory, kung saan nagbakasakali siyang makasagap ng signal dahil ang mismong paaralan nila ay nasa bundok.

Dito na niya napansin ang tatlong estudyante sa labas ng bintana na kumakain ng kanilang pananghalian.

Ang mga estudyante ay kinilala bilang sina Ruel at Rayven na nasa grade 8 at si Reyjie naman, na kapatid ni Ruel, ay kasalukuyang nasa grade 9.

Natuwa umano ang guro dahil nakita niyang ine-enjoy ng mga mag-aaral ang pagkain nila bagama’t payak lamang ito. Kumakain umano nang magkaharap ang magkapatid dahil magkahati pala ang dalawa sa isang lunch box.

“Natuwa lang ako sa kanila kasi habang kinakain nila ‘yung tanghalian nila, they were enjoying it. Magkaharap ung magkapatid kasi isang lunch box lang,” aniya.

Doon daw siya medyo naantig sa part na ‘yung ulam nila ay maliit na hotdog at kaunting gulay. Pero kahit ganun pa man, nakitaan niya sila ng kasiyahan sa kung ano ang mayroon nila, dagdag pa niya.

“Life may not be fair, most of the time others will say it’s unfair. Seeing them enjoying their lunch, I said to myself; It’s us who is in charge of creating best memories, its us who will create our happiness and it’s a matter of how we deal with the situation,” pahayag ni Sir Barry.

Payo niya sa karamihan, kung ano man ang ating sitwasyon ay piliin pa rin natin ang maging masaya kaysa malungkot at maging positibo sa buhay.

“Whatever the circumstances, choose happiness over sadness, and positivity over negativity. After all, life is worth living.”

Marami namang naka-relate sa ibinahagi ng guro at napabalik-tanaw sa mga panahong kapos din ang kanilang kalagayan noong nag-aaral pa lamang sila, ngunit masaya pa ring hinaharap ang bawat araw.

Post a Comment

Previous Post Next Post