Muling ‘nagpakasal’ ang mag-asawang Derek Ramsay at Ellen Adarna habang sila ay nagbabakasyon sa Peru para ipagdiwang ang kanilang first year wedding anniversary.
Sa kaniyang Instagram post, ibinahagi ni Ellen ang larawan kung saan makikita sila ni Derek na tila binabasbasan sa isang seremonya.

“Today, we got married again @ramsayderek07 11.11,” simpleng caption ng dating aktres sa kaniyang larawan.
Hindi naman malinaw kung anong uri ng ‘kasal’ ang kanilang dinaluhan subalit ayon sa ilang ulat ito ay tinatawag na ‘despacho’ na pinangungunahan ng isang lokal na shaman.
Mukhang nag-e-enjoy ang mag-asawa sa kanilang bakasyon at marami rin silang magagandang lugar na narating at napasyalan sa Peru.

Kabilang na rito ang kilala at makasaysayang lugar n Machu Pichu na isang UNESCO World Heritage Site at kabilang sa New Seven Wonders of the World.
Nagbahagi rin si Ellen ng larawan kuha sa Machu Pichu na may caption na “Celebrating us today happy anniversary my love! OMG were sooo married! hahahahah😂 i love you.”

“I will love you more and more each day. Life with you is incredible and loving you is beautiful. Happy anniversary my dear. I’m your number one fan,” komento naman ni Derek sa post ng kaniyang misis.
Bago pa man ito, ibinahagi rin ni Ellen na nakaranas ng altitude sickness ang kaniyang asawa kaya nahirapan itong huminga at nangailangan ng oxygen.

Pero tila naka-recover na rin ang aktor dahil makikita na itong maayos at nakangiti sa mga sumunod na larawang ibinahagi ni Ellen sa Instagram.
Hindi naman nabanggit ng mag-asawa kung ilang araw ang bakasyon nila sa Peru at kung kailan ang balik nila sa Pilipinas lalo pa’t parang hindi nila kasama ang anak ni Ellen kay John Lloyd Cruz na si Elias sa naturang bakasyon.