Matapos ang mahigit dalawang taong epekto ng pandemya ay muli nang ibinalik sa face-to-face classes ang mga mag-aaral.
Naging emosyonal umano ang isang guro nang ibahagi niya ang liham mula sa magulang ng isa niyang estudyante dahil sa madalas na pagliban ng anak nito sa klase.

Sa post na ibinahagi ng IBC Tutok 13, mababasa sa liham na lubos na humihingi ng pasensya ang ama sa kadahilanang wala umanong maisuot ang anak nito.
Aniya, “Wala na po silang masuot na damit at isa lang po ang uniform niya at nawarak pa po ang pantalon. Hindi ko po maasikaso ang mga damit namin maglaba dahil lagi po kami nauubusan ng tubig sa drum.”
Sa excuse letter ay sinabi rin na patong-patong ang naging problema nila dahil sa kahirapan ng buhay at sa kalsada na lamang sila natutulog dahil hindi na sila nakabayad sa inupahang tirahan.
Ayon sa guro, isang linggong hindi pumasok ang bata bago muling nagpakita para sa exam at ibigay ang liham na dumurog sa kanyang puso.

“My learner, has been accumulating loads of absences since August (4Ps pa man din), He has been absent for more than a week, and good thing he appeared last Thursday in time for our 1st Periodic Test. He gave me this letter, and this broke my heart,” saad ng guro sa kanyang tweet na ngayon ay burado na.
Maraming netizens naman ang naantig at napaluha sa liham ng nanay at sinabing, “Sad sana sila yung nabigyan ng financial assistance for education ng DSWD.”
“Real talk!!! hindi lahat ng magulang ay may kakayahan bumili ng school uniform dahil sa hirap ng buhay.”

“Dito talaga papasok ang Family Planning… At sana mas isipin ng DEPED na isama sa Curriculum ang Financial Literacy sa pag-aaral.”
“Nakakalungkot dahil sa kabila ng abiso ng DepEd na walang pagpipilit sa mga estudyante sa pagpapasuot ng school uniform ngayong taon, marami pa ring paaralan ang nagpapa-uniform sa estudyante kahit public….”
“Mga anak ko nga tig-iisa lang ang uniform nila wash and wear din, hirap talaga ang buhay ngayon lahat nagmahal na.”
Maraming guro na rin ang nakaranas ng mga kauri nitong kuwento lalo na sa mga pampublikong paaralan. Mabigat na kalaban ang kahirapan kahit pa may determinasyon ang isang bata na makapag-aral. Nawa’y madagdagan pa ang mga proyektong makatutulong sa mga maralitang pamilya tulad ng family planning, livelihood, at iba pa.
UPDATE:
Samantala, may mga nagpapahanap sa pamilyang tinutukoy ng guro upang sila ay matulungan. Kabilang na rito si Teacher pogi na nag-post ng panawagan kung saan matatagpuan ang pamilya. Sa comments section man ay may mga nais sumabay magpadala ng tulong.
