Lolit Solis may payo kay Kim Chiu tungkol sa ‘sobrang paghanga’ sa Blackpink’

May unsolicited advice si Manay Lolit Solis kay Kim Chiu tungkol sa diumano’y sobrang paghanga ng aktres sa sikat na Kpop group na Blackpink.

Ayon sa kontrobersiyal na talent manager at showbiz columnist, dapat raw ay huwag masyadong ipakita ni Kim ang sobrang paghanga sa Blackpink.

“Dapat siguro sabihan si Kim Chiu na huwag ipakita masyado iyon kilig niya sa Blackpink. Kasi parang nagyayaya pa si Kim Chiu na hangaan ng mas marami pa ang Blackpink na isang foreign group,” ayon sa Instagram post ni Lolit nitong Lunes.

“Mas magandang ini encourage mo ang mga fans na mas hangaan ang mga local artists natin lalo na ngayon na parang naghihingalo na ang showbiz industry,” dagdag pa nito.

Nag-post kasi si Kim ng ilang larawan at video sa kaniyang Instagram account kung saan ipinakikita niya ang pagdalo sa concert ng Blackpink na dinayo pa niya sa Atlanta, Georgia kamakailan.

“No words!!!! SIMPLY THE BEST NIGHT EVER!!! BEST CONCERT EVER!!!! BEST GIRLS EVER!!! BEST SIDE TRIP EVER!!!! EVER NA SA LAHAT NG EVER! 8 hours of standing was super worth it saw them up close and personal with matching eye contact, wave wave, and smile smile,” excited na caption ng Kapamilya actress sa kaniyang post.

Pero para kay Manay Lolit, parang hindi na raw masyadong click ngayon sa mga fans ang mga Korean idol.

“Sabagay parang hindi na rin ganuon katindi ang lakas ng mga Koreans sa mga fans. Malay natin naghahanap na naman sila ng mga bagong idols. Kaya huwag mawalan ng pag asa, baka sakali, back ulit sa init ang showbiz,” wika nito.

Matatandaang naging usap-usapan noon ang suhestiyon ni Senador Jinggoy Estrada na i-ban sa bansa ang mga Koreanovelas dahil natatalbugan umano nito ang mga local shows at talents.

Ito rin daw ang dahilan kung bakit patuloy na nalulugmok at nahihirapang makabangon ang industriya ng showbiz sa ngayon.

Marami naman ang tumutol dito at nagsabing sa halip na ipagbawal ang Kdramas ay pagbutihin na lamang at suportahan ang ating local entertainment industry.

Post a Comment

Previous Post Next Post