Sa sobrang hirap ng buhay ng maraming Pinoy ay kahanga-hanga na nagagawa pa rin ng ilan na mapagtagumpayang makatapos ng kolehiyo.
Isa si Jean Margaret Gelladuga Badong ng Carles, Iloilo sa mga nagsikap makatapos sa kabila ng kahirapan at nasungkit pa niya ang latin honors. Higit pa sa pagiging Cum Laude, nakamit rin niya ang top spot sa Licensure Examination for Fisheries Professionals kasama ng isa pang topnotcher noong October 2022 kung saan nakakuha silang dalawa ng 86.25 na rating.
Ayon sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nagtapos umano si Jean ng Bachelor of Science in Fisheries sa Iloilo State College of Fisheries (ISCOF) Main Tiwi Campus, noong August 17, 2022, at nasungkit niya ang latin honors sa pagiging Cum Laude.
Buhay kolehiyo
Kuwento ni Jean sa PEP Ph, Nursing o Engineering talaga umano ang gusto niyang kunin na kurso ngunit hindi naman kaya ng kanyang mga magulang na pag-aralin siya sa kursong gusto niya dahil hindi kalakihan ang kinikita ng mga ito.
“Sabi ng Mama ko, mahihirapan sila ni Papa sa pagpapaaral sa akin pag either dun sa mga choices ko ‘yung kinuha ko sa college.”
Naglalako ang kanyang ina ng fish lumpia at iba pang frozen food products na homemade, at ang kanyang ama naman ay nagtatrabaho sa bakery na pagmamay-ari ng isang cooperative na pinamamahalaan ng tita niya.
Napag-alaman naman ng kanyang tita na nag-o-offer ng scholarship ang BFAR (Bureau of Fisheries and Aquatic Resources) kaya naman itinuloy niya ang pag-e-enroll dito.

Kahit na full scholar siya ay madalas pa rin siyang kinakapos sa gastusin sa pag-aaral dahil nade-delay ang kanyang allowance sa BFAR.
Sa kanyang buhay kolehiyo ay sobrang nahirapan daw siya dahil sa paggawa pa lamang ng reports ay wala siyang nagagamit na laptop at kinailangan pa nitong manghiram sa kanyang kaklase. Ngunit dumating naman ang pandemya at naging online pansamantala ang kanilang klase.
Ang naging advantage niya ay noong mas marami siyang naa-absorb pagdating sa physical lectures pagkat nang maging online na ay nahihirapan naman siyang mag-focus dahil maraming distractions sa kanilang bahay. Ngunit naitawid naman niya ito.

Board exam
Para matigil sa pangungulit ng mga magulang, napilitan siyang kumuha ng board exam. Aminado naman siya na nahirapan siya dito.
Matapos lumabas ang resulta ng exam, napag-alaman niyang nag-top 1 siya sa buong region 6. Sobrang saya naman ng kanyang mga magulang nang malaman ito.
Laking pasasalamat naman ni Jean sa BFAR dahil sobrang laki ng naitulong nito sa kanya upang makapagtapos ng kolehiyo.
Inialay din ni Jean ang kanyang tagumpay sa kanyang mga magulang, sa maraming taong nagtiwala sa kanya at lalong-lalo na sa Diyos.
Pangako niya sa kanyang magulang, “Mama, Papa, konti na lang. Ako naman.”
