Agot, Nikki naglabas ng saloobin sa pelikula nilang 'Family Matters' kaugnay sa MMFF 2022 Gabi ng Parangal

Naglabas ng kanilang saloobin sa social media sina Agot Isidro at Nikki Valdez kaugnay sa naging resulta ng MMFF 2022 Gabi ng Parangal noong Martes, Dec. 27.

Kabilang sila sa MMFF entry na Family Matters, sa direksyon ni Nuel Naval. Ang kuwento ay nakasentro sa isang pamilya at sa matandang mag-asawa na sina Francisco (Noel Trinidad) at Eleanor (Liza Lorena), at ang kanilang mga anak na sina Kiko (Nonie Buencamino), Fortune (Mylene Dizon), Ellen (Nikki Valdez), at Enrico (JC Santos).

Ngunit tila medyo dismayado si Agot sa lumabas na resulta ng MMFF 2022 Awards Night. Isang award lang ang nakuha ng pelikula nila; ang Gatpuno J. Villegas Cultural Award.

Inamin ni Agot sa kanyang personal na Twitter account na una niyang nadama ang pagkadismaya nang ang “Family Matters” ay hindi man lang nominado para sa iba pang major awards.

“Nagsama-sama ang pamilya Florencio kagabi except kay Mommy & Daddy. Umuwi na medyo disappointed na hindi napansin man lang ang ibat ibang aspeto ng aming pelikula. Although, Salamat sa Gatpuno Villegas Cultural Award. Much appreciated,” saad ng aktres.

Sa kabila ng resulta ng MMFF awards night, nananatili namang nagpapasalamat ang aktres sa pelikulang umani ng magagandang review at suporta mula sa mga tagahanga.

“Ang nakakapagluwag ng aming dibdib ay ang messages of support, lahat ng glowing reviews, posts na hinihimay ang storya, mga reaksyon pagkalabas ng sinehan. Hangad namin na ang mga aral na natutunan at natuklasan uli ay inyong isasapuso,” dagdag pa ni Agot.

Sa panibagong post, “Hindi bale wala sa amin ‘yun. If anything, dito pa lang sobrang panalo na kami. Maraming, maraming Salamat sa suporta. Inaasahan namin na mas marami pa ang manonood,” aniya pa.

Sa kabilang banda, nagpahayag naman ng pasasalamat si Nikki Valdez sa kanyang Twitter account noong Miyerkules, Dec. 28.

“Hindi man kami nanominate sa napakaraming categories kagabi, pinakamasarap na award na sa amin ang marinig sa karamihan na ‘blessing’ ang pelikula namin sa kanila. Dun pa lang, panalong panalo na kami,” wika ng aktres. “Imagine, buong buhay dadalhin ng bawat pamilyang Pilipino sa puso nila ang #FamilyMatters? MISSION ACCOMPLISHED na.”

Basahin: Nadine Lustre itinanghal na Best Actress; ‘Deleter’ hakot awards sa MMFF 2022

Post a Comment

Previous Post Next Post