Kahit ilang buwan na ring walang paramdam sa social media si Angel Locsin, tila magbabalik na ito sa harap ng kamera para sa Pinoy adaptation ng French series na ‘Call My Agent’.
Ito ay matapos ibahagi ng Facebook page na Kapamilya World noong isang araw lamang na muling mapapanood sa primetime ang tinaguriang ‘Action Drama Queen’ na si Angel.

Noong Enero pa napabalita na gagawin nga ng Kapamilya actress ang naturang teleserye subalit tila nabinbin ito sa hindi pa malamang dahilan.
Ayon sa Variety, makakasama ni Angel ang beteranong aktor na si Edu Manzano at ito ay ididirehe ng batikang direktor din na si Erik Matti na nasa likod ng award-winning na pelikulang ‘On The Job’.

Si Dondon Monteverde naman umano ang magsisilbing executive director habang kabilang sa team ng mga writers sina Senedy Que (“A Mother’s Story”), Jinky Laurel (“Tanging Yaman”) at Chris Violago (“The Last Manilaners”).
Ang ‘Call My Agent (“Dix Pour Cent”) ay iikot sa personal at propesyonal na buhay ng isang grupo ng talent agents na nakabase sa Paris.
Subalit ang Pinoy adaptation nito, na bubuuin ng apat na series, ay hindi mapapanood sa telebisyon; bagkus ay sa HBO Go lamang sa pamamagitan ng subscription.

Sisimulan umano ang production ng ‘Call My Agent’ sa Abril o Mayo ng susunod na taon (2023). Gayunman, wala pang tukoy na petsa kung kailan ito mapapanood sa HBO Go.
Kapag natuloy, ito na ang magsisilbing ‘comeback’ ni Angel sa pag-arte. Siya ay huling napanood sa 2019 Kapamilya teleserye na ‘The General’s Daughter’ kung saan ginampanan niya ang papel ni Rhian Bonifacio.

Samantala, wala pa ring update si Angel sa kaniyang Instagram kahit pa kumalat noon ang balita na tila may problema sa kanilang relasyon ng asawang si Neil Arce.
Pinabulaanan naman ito ni Neil na nagsabing ‘fake news’ ang anumang tsismis na lumabas tungkol sa kanilang mag-asawa.
BASAHIN: Neil Arce nagsalita na kaugnay ng mga isyu sa kanila ng asawang si Angel Locsin