Camille Ann Miguel inalala ang sandaling dinala sa ER si Jovit Baldivino

Inalala ng partner ng sumakabilang-buhay na singer na si Jovit Baldivino ang mga sandaling isinugod nila ito sa emergency room.

Sa isang Facebook post ay ikinuwento ni Camille Ann Miguel na nanghingi pa ng tawad sa kaniya si Jovit dahil hindi nito sinunod ang payo niyang ‘wag muna siyang kumanta.

“Pagdating mo sa ER ‘di ba, sorry ka nang sorry sa akin kasi sinuway mo ko na ‘wag ka kakanta. Sabi mo ‘wag kita pagalitan. Kahit stroke ka na, ‘yung galit ko pa rin iniintindi mo kahit stroke ka na,” paglalahad niya. “Napunasan mo pa luha ko at sinabing lalaban ka at hintayin kita kasi magpapakasal na tayo. Ang sakit, love ko. Ang dami mong plano para sa ating dalawa. Mahal na mahal po kita. Kailanman di magbabago ‘yun.”

Labis din siyang nagdadalamhati at sinabing hindi niya alam kung paano magsisimula muli matapos mawala si Jovit. “Love ko, hindi ko alam paano uli ako magsisimula nang wala ka na. Hindi ko kaya. Sobrang ‘di ko kaya. Walang kasing sakit ‘tong nangyari na ‘to.”

Sa hiwalay na post ay nangako si Camille na hindi niya pababayaan ang pamilya ni Jovit. “Kahit anong mangyari, ‘di ko pababayaan pamilya mo dahil alam ko kung gaano mo sila ka-mahal. Wala kang kasingbuti asawa ko,” aniya pa.

Kinumpirma ng ama ni Jovit na si Hilario Baldivino sa ABS-CBN na namaalam na nga ang singer sa edad na 29, matapos ang anim na araw sa ospital.

[RELATED: PGT winner at hit singer na si Jovit Baldivino namaalam na sa edad na 29]

Nakaranas ng mild stroke si Jovit noong Nobyembre 2022 at naulit ito matapos na kumanta sa isang Christmas party.

“Three songs lang kanta niya. Pagkatapos nakita na siya nakaupo, nakangiwi ang nguso. Nadala agad siya sa ospital, nakalakad mula ambulansya. Nasabi pa niya na lalaban siya dahil gusto niyang mabuhay. Pero na-comatose na siya pagkatapos ng operasyon,” sabi ng ama ni Jovit.

Post a Comment

Previous Post Next Post